Ladislao Bonus

(22 Hunyo 1854–28 Marso 1908)

Isang bantog na kompositor at konduktor pangmusika noong magtatapos ang ika-19 siglo si Ladislao Bonus (La·dis·láw Bó·nus) at tinaguriang “Ama ng Operang Filipino.”

Ipinanganak siyá noong 22 Hunyo 1854 sa Pandacan, Maynila kina Pedro Bonus at Maria Mariano. Batà pa’y mahilig na siyá sa musika at maagang naging bihasa sa pagtugtog ng biyolin, cello, viola, at iba pang instrumentong de-kuwerdas. Sinasabing dahil sa gayong kahusayan ay mabilisan siyáng naipapalit sa alinmang miyembro ng orkestra.

Noong 1887, nagtatag si Bonus ng isang kompletong kompanya sa opera sa Pandacan. Binuo ito ng kompletong mga musiko at mangangantang Tagalog kabílang sina Teodoro San Luis at Josefa Tiongson, mga soprano; Victoria Medina, mezzo soprano; Andres Ciria Cruz, Pedro Alcantara, at Alejo Natividad, mga tenor; Pedro Alcan- tara at Domingo Guazon, mga baritono; Eduardo Ciria Cruz at Jose Canseco, mga basso; at Carmen Mendoza, Marcela Barroga, Simon Natividad, Valentin Natividad, at Mariano Natividad, mga miyembro ng koro. Si Bonus ang naglingkod na director at konduktor ng orchestra. Si Jose Canseco ang direktor ng tanghalan.

Isang malaking tagumpay ang unang pagtatanghal ng pangkat sa sabungan ng Pandacan. Sinundan ito ng mga paanyaya sa ibang pook ng Maynila. Umakit ito ng mga patron at hindi naglaon ay naging bukambibig ang husay ni Bonus sa buong lungsod.

Noong 1888, sumapi si Bonus sa orchestra ng Katedral ng Maynila. Nagturo din siyá ng piyano sa anak ng mga mariwasa at naging konduktor ng mga bánda sa Marikina, Pasig, at Quiapo. Sa ilalim ng kaniyang pamumunò, nagwagi ng unang gantimpala ang Bándang Arevalo ng Quiapo sa Eksposisyong Panrehiyon sa Hanoi noong 1901. Ang bándang ito ay naglingkod sa Republikang Malolos noong 1898–1899. Sinulat din ni Bonus ang musika ng operang Sandugong Panaginip ni Pedro Paterno na itinanghal sa Teatro Manila noong 16 Agosto 1902. Sumulat pa siyá ng musika para sa ibang sarsuwela at ng martsa para sa pagbubukas ng Unang Asamblea ng Fili- pinas.

Napangasawa ni Bonus si Rosalia Guazon at nagkaroon silá ng walong anak. Nása kasikatan siyá nang mamatay noong 28 Marso 1908 sa gulang na 54 taon. (EGN)

Cite this article as: Bonus, Ladislao. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bonus-ladislao/