Andres Bonifacio

(30 Nobyembre 1863–10 Mayo 1897)

Si Andres Bonifacio (An·drés Bo·ni·fás·yo) ang tagapagtatag ng Katipunan at itinuturing na “Ama ng Himagsikang Filipino.” Tinatawag siyáng “Supremo ng Katipunan” at “Haring Tagalog” dahil naging pangulo ng kapisanang mapanghimagsik.

Isinilang siyá noong 30 Nobyembre 1863 sa Tondo, Maynila at panganay sa anim na anak nina Santiago Bonifacio, isang sastre, at Catalina de Castro. Mga kapatid niyang lalaki sina Ciriaco, Procopio, at Troadio at mga kapatid na babae sina Espiridiona at Maxima. Naulila siláng lubos noong 14 taon si Andres kayâ binúhay niya ang mga kapa- tid sa pagtitinda ng bastong kawayan at papel na abaniko at pagtatrabaho bilang mensahero at bodegero. Una niyang malaking trabaho ang klerk- mensahero  sa  kompanyang Ingles na Fleming and Company. Lumipat siyá pagkuwan sa Alemang Fresell and Company.

Isa siyáng alagad ng sining. Bukod sa pagguhit ng poster ay mahilig din siyáng mag-artista at naging kasapi ng sama- hang pandulaan sa Palomar, Tondo. Noong 1887, kasáma ang ibang kaibigan ay itinayô nilá ang El Teatro Porvenir. Isa siyáng mahusay na makata at manunulat. Isinalin niya sa tula ang sanaysay na El Amor Patrio ni Rizal at siyá ang unang nagsalin sa tagalog tulang Ultimo Adios ni Rizal.

Ang sanaysay niyang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ay isang napakaikli ngunit matalim na kasaysayan ng Filipinas at tigib sa nag-aalab na damdaming makabayan. Ang hilig niyang mag-aral ng wika ay natumbasan ng hilig niyang magbasá.

Una niyang asawa si Monica na namatay sa ketong. Sa isang pakikipamista sa Kalookan ay nakilála niya at niligawan si Gregoria de Jesus. Ikinasal silá noong 1893 at muling ikinasal sa loob ng Katipunan. Itinatag niya ang mapanghimagsik na Kataas-taasang Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK noong 7 Hulyo 1892. Bunga ito ng kabiguan ng mapayapang kampanya para sa reporma ng La Solidaridad at ng naganap na pag- dakip at pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan. Ang lihim na kapisanan ay lumago na sa Kamaynilaan at ibang mga lalawigan bago natuklasan at sumiklab ang Himagsikang Filipino noong Agosto 1896.

Dahil sa hidwaan ng dalawang pangkat ng Katipunero, ang Magdiwang at ang Magdalo, sa Cavite ay inanyaya- han siyá doon upang mamagitan. Nauwi ang lahat sa pag-tatayô ng isang bagong pamahalaan ng manghihimagsik noong 22 Marso 1897. Nahalal ditong pangulo si Heneral Emilio Aguinaldo at ministrong panloob si Andres. Hindi minabuti ni Andres ang pagmaliit sa kaniyang kakayahan ng isang Magdalo kayâ pinawalang-bisa niya ang halalan sa isang dokumento noong 24 Marso. Kasáma ang dala- wang kapatid, asawa, at ilang tauhan ay sinikap niyang bumalik ng Maynila. Sinundan ng mga Magdalo ang pan- gkat niya at dinakip. Sa labanan ay namatay si Ciriaco at nasugatan si Andres. Dinala silá sa Maragondon, Cavite at nilitis. Nahatulan siyáng nagkasala ng sedisyon at pinarusahan ng kamatayan. Noong 10 Mayo 1897, dinalá siyá at kapatid na Procopio sa Bundok Buntis at pinatay. (VSA)

Cite this article as: Bonifacio, Andres. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bonifacio-andres/

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Post comment