Bómba

household, warfare, weapons, cinema, Philippine cinema, film

Isang salitang Español, unang kahulugan ng bómba para sa mga Filipino ang mekanismo ng póso para mapaakyat ang tubig mula sa bálong nitó sa ilalim ng lupa. Ang póso ang makabagong teknolohiya upang mabilis na makasalok ng tubig nang hindi na pupunta sa batis o sa balón. Binubuo ito ng mga mahabàng túbong bakal na ibinabaón sa lupa hanggang umabot sa bálong ng tubig at ng isang makina sa ibabaw na kapag binomba ay humihitit sa tubig mula sa ilalim ng lupa sa pamamagitan ng presyon. Nang lumaon, ang makinang de-bomba ay napalitan ng motor. Ginagamit hanggang ngayon ang pósong de-bomba sa kanayunan at mga pook na walang sistema ng pagkukunan ng tubig sa araw-araw na gamit.

Isa pang kahulugan ng bómba ay pampasabog na nakamamatay at inimbento para sa operasyong militar. Maraming uri at anyo ito. May malalaking bomba na ginamit noong Ikalawaang Digmaang Pandaigdig upang ibagsak ng mga eroplano (tinatawag na bomber plane) sa mga pook ng kaaway. May bombang nuklear na tulad ng ibinagsak sa Japan na halos gumunaw sa mga siyudad. May tinatawag naman ngayong suicide bomber, isang terorista na nagkakabit ng mga dinamita’t pampasabog sa katawan upang pasabugin ito at ang sarili sa target na maraming tao.

Noong mga taóng 1960–1970, nauso sa Filipinas ang mga peli-kulang ang pang-akit ay mga artistang nagpapakita ng hubot hubad na katawan o nagtatanghal ng mga tagpo ng pagtatalik. Tinawag ang pelikulang ganito na bómba. Marahil, isang pagtutulad ng sex sa gawain ng pósong de-bomba. Ipinagbawal ito ng pamahalaan, at nang lumaon ay pinagsawaan din ng manonood, bagaman nakapag-iwan ito ng mga tulad ng Manila by Night at Scorpio Nights na itinuturing na may uri ng mga kritiko. (MJCT)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bómba. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bomba/