Bolo

weapons, agriculture, tools, popular icons, poetry

Nakalagay ang bólo sa mga diksiyonaryong Español at Ingles bilang tawag diumano ng mga Filipino sa mahabà at mabigat na patalim na may isahang talim na ginagamit bilang pantabas ng dawag at bilang sandata. Gayuman, wala ito sa lumang bokabularyo ng wikang Filipino. Sa halip, nakalagay naman ang mga singkahulugang gúlok, iták, at sundáng. Marami pang ibang uri at tawag sa patalim na ito sa ibang katutubong pangkatin ng Filipinas.

Sa mga retrato at ilustrasyon ng karaniwang magbubukid o mangangahoy noong panahon ng Español ay malimit na may hawak ito o nakasuksok sa baywang na bolo. Dahil isa itong patalim na maraming gamit. Sa panahon ng kapayapaan, sagisag ito ng lalaking masipag at nagtatrabaho. Puwede itong pandikdik, pansungkit, panghukay, at iba pa. Nagiging sandata lámang ito sa panahon ng kagipitan at pagtatanggol sa sarili. Sa El filibusterismo, napilitang humawak ng gúlok sa Kabesang Tales nang pagbawalan siyáng magdalá ng eskopeta upang bantayan ang kaniyang bukirin. Sa panahon ng Himagsikang 1896, naging sagisag ng kagitingan ang Katipunerong may hawak na puláng bandila sa isang kamay at isang sundáng sa kabilâ. Ganito ang imahen ng bantayog ng Unang Sigaw sa Balintawak.

Ito rin marahil ang pinagmulan ng tulang-pambatà nitóng ika-20 siglo tungkol sa Supremo ng KKK:

Andres Bonifacio

Standing on the bato

Holding a bolo

Cutting the ulo.

Ang totoo, may tulang-pambatà rin na nagtatawa sa tao na mistulang isang armadong mandirigma ngunit makikikain lámang palá:

 

Ako’y ibigin mo lalaking matapang

Ang baril ko’y pito, ang sundang ko’y siyam.

Ang lalakarin ko’y parte ng dinulang,

Isang pinggang pansit ang aking kaaway. (DRN)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bolo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bolo/