Bolinao Electronic Corporation

mass media, business, companies, radio, television

Noong 13 Hunyo 1946, itinatag ng Americanong inhinyero na si James Lindenberg ang Bolinao Electronics Corporation (BEC), isang kompanya na gumagawa at bumubuo ng mga kasangkapan para sa radio transmission. Noon taong 1949, lumapit si Lindenberg sa Kongreso ng Filipinas upang hingin ang pahintulot na magtatag at magpatakbo ng isang himpilan ng telebisyon. At noong 14 Hunyo 1950, naaprobahan ang kaniyang kahilingan sa pamamagitan ng Republic Act No. 511 at 512, na nakasaad ang mga responsabilidad sa publiko ng isang himpilan ng telebisyon, tulad ng pagpapalaganap ng makabuluhang kaalaman lalo na sa mahahalagang isyung pampubliko. Ngunit dahil sa kakulangan sa materyales at mahigpit na patakaran sa pag-aangkat ng mga dayuhang produkto, itinuon na lamang ng BEC ang atensiyon sa pagsasahimpapawid sa radyo.

Taóng 1952 nang binili ni Antonio Quirino, na naghahangad ding magtatag ng isang himpilan ng telebisyon, ang malaking porsiyento ng BEC at pinalitan ang pangalan nitó bilang Alto Broadcasting System (ABS). Si Lindenberg ang naging punòng tagapamahala ng himpilan. Noong 23 Oktubre 1953, ang DZAQ-TV 3 sa ilalim ng pamunuan ng ABS ay unang sumahimpapawid at ipinakilála bilang ang kauna-unahang himpilan ng telebisyon sa bansa. Kayâ namang itinuturing ang  BEC  bilang  pinag-ugatan ng television broadcasting sa Filipinas at si Lindenberg bilang ama ng Telebisyong Filipino.

Noong 1958, ang ABS ay nabili nina Eugenio Lopez, Sr. at ang noo’y pangalawang pangulo na si Fernando Lopez na siyáng may-ari ng Chronicle Broadcasting Network (CBN), isang radio network). Paglipas ng ilang taon, pormal na pinagsanib ang dalawang korporasyon at tinawag na ABS-CBN Broadcasting Corporation. Sa kasalukuyan, ang ABS-CBN ang isa sa mga kilalá at nangungunang kompanya sa larangan ng midya sa bansa. (MJ)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bolinao Electronic Corporation. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bolinao-electronic-corporation/

 

Related Articles