boladór

Philippine Fauna, fish, fishing, commercial fishing, aquatic animals, fisheries

Ang boladór ay isdang kabilang sa pamilyang Exocoetidae. May humigit-kumulang na 50 specie ng boladór ang matatagpuan sa malawak na karagatang Atlantiko, Indian, at Pacifico. Ang pinakanatatanging katangian ng bolador ay ang lubos na pinalaking pares ng palikpik para sumalipapaw sa ibabaw ng tubig.

Ang mga panga ay magkasinghabà at medyo maikli. Ang ilang specie ay may hindi pangkaraniwang mahabàng pektoral na palikpik na gi-nagamit sa paglangoy. Samantalang ang iba na-man ay may malalaking palikpik sa pektoral at katawan na nagmimistulang apat na pakpak. Ang bolador na may mukhang apat na pakpak ay maaaring sumalipapaw hanggang 400 m at puwede ring magpaliko-liko at magpabago-bago ng altitud samantalang ang may dalawang pakpak ay naglalakbay nang mas maikling distansiya at karaniwan ay sa iisang tuwid na linya. Ang buntot ay patulis at ang itaas na bahagi ay mas maikli kaysa ibabâ. May 39-51 bertebra. Ang batàng bolador ay kadalasang may isang mahabàng pares ng mala-kampay na balbas.

Ito ay pangkaraniwang makikita sa Pacifico sa pagitan ng 40o Timog at 40o Hilaga. Ang ilang specie ay bumabalik o patuloy na naglalagi sa baybayin upang makompleto ang buong búhay. May ibang ginugugol ang buong búhay sa karagatan. Mabilis lumaki subalit ang paglaki ay nag-iiba-iba depende sa uri. Ang mga specie sa karagatan ay mas maliit. Ang karaniwang laki ay kulang-kulang 30 sm at ang pinakamalaking naitalâ ay 45 sm. Ang karamihan sa mga hinuhúling tulad ng Hirundichthys, Cypselurus at Cheilopogon ay lumalaki hanggang 20–25 sm at may bi-gat na 300–450 gramo. Ang bolador na nása tropiko ay maaari nang mangitlog makalipas ang 10–14 na buwan at nabubúhay hanggang 2 taon. Ang pangunahing pagkain ng bolador ay isda, copepod, at krustaseo.

Ang pangingsida ng bolador ay importante sa mga maliliit na mangingisda ng Filipinas. Ito ay hinuhúli sa pamamag-tan ng pante, pangulong, at salakab. Ginagamit din itong pain para sa malalaking isdang tulad ng tuna, marlin at lumba-lumba. (MA)

Cite this article as: boladór. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bolador/