bóla-bóla
Food, cuisine, Filipino Cuisine, recipe, cooking
Dahil sa hugis nitó, tinawag na bóla-bóla ang bilugang lutuin na karaniwang gawa sa duróg na karne ng baboy. Bukod sa karne ng baboy, ginagamit din sa ibang paglutò ang karne ng manok, báka, isda, at iba pang lamandagat.
Sa paglulutò ng bola-bola, paghalo-haluin lamang ang mga sangkap tulad ng duróg na karne, hiniwang gulay na karot, patatas, atsal at dahon ng sibuyas. Kailangang tandaan na hindi dapat píno ang pagkakahiwa dahil mahirap kumapit ang mga ito sa isa’t isa at mahirap na gawing bilóg. Lagyan din ang pinaghalò-halòng sangkap ng pampalasa tulad ng paminta, asukal, asin, at toyo. Haluan din ng binatíng itlog ang mga ito. Kumuha ng isang kutsara ng pinaghalòng mga sangkap (o depende sa dami at laki ng guston kalalabasan), ipagulong ito sa arina, at gawing bilugan ang hugis gamit ang mga palad ng kamay. Pagkatapos mabilog ang lahat, iprito ang mga ito at hintaying maging kulay kayumanggi bago hanguin. Karaniwang inuulam ang bola-bola kasabay ng kanin. Karaniwan ding isinasawsaw ito sa ketsap. (MJCT)