Bodong

Ang bódong ay ang tradisyonal na kasunduang pang- kapayapaan sa lipunang Kalinga. Ang bodong ay isang tratado ng dalawang tribu na nagkasundong bumalangkas ng mga pagta (batas) na aareglo sa pakikipag-ugnayan nila sa isa’t isa. Ang bodong ay isinasagawa upang tapusin ang away ng dalawang tribu at siguruhin ang kapayapaan at seguridad sa kanilang lugar upang hindi maapektuhan ang kalakalan at iba pang gawaing pangkabuhayan. Sa pamamagitan ng bodong, sineseguro ang kaligtasan ng mga tao kapag sila’y naglalakbay, at ang pag-iral ng husti- sya kapag may miyembro ng tribu na nakagawa ng bagay na masamâ sa isang miyembro ng kabilâng tribu.

Mahabàng proseso ang pagbalangkas ng pagta. Ilang araw na mag-uusap at magtatalo ang mga papangat (konseho ng matatanda) ng magkabilâng tribu. Ang nabuong pag- ta ay naglalaman ng mga probisyon ng kasunduan, ang hangganan ng tribu o ili na sakop nitó, at ang mga táong may responsabilidad sa pagpapatupad at pagtataguyod ng mga napagkasunduan. Dati-rati ay minimemorya ang mga pagta at sa pamamagitan ng salimbibig ay ipinapasa ang mga ito sa bawat bagong henerasyon.

Nagsimula ang tradisyon ng bodong noong panahon na madalas magkaroon ng mainit na away ang mga tribo o ili. Karaniwang nauuwi ang awayang ito sa pamumugot ng ulo o pagsalakay sa lugar ng kaaway, na nagiging simula naman ng isang mahabàng serye ng benggansa o ganti- han. Isang bodong lamang ang makapagbibigay-wakas sa ganitong sitwasyon.

Hindi lamang ang mga Kalinga ang may tradisyon sa kasunduang pangkapayapaan. Matatagpuan din ang mga kawangking institusyon sa iba pang grupo sa Cordillera. Ang mga Tingguian ay mayroong kalon, samantalang ang mga Bontok ay may petsen. (DLT)

Cite this article as: Bodong. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bodong/