bódabíl

performance, theater, television

Tiyak na mula sa salitâng Pranses na vaudeville ang bódabíl at tiyak ding nagsimula ito sa panahon ng pananakop na Americano sa bungad ng ika-20 siglo. Gayunman, hindi pa tiyak ang totoong pinagmulan nitóng Pranses. Popular na itong palabas na aliwan ng mga Americano noon pang 1880 at binubuo ng sari-saring bilang musikal ng mga mang-aawit at mananayaw, komedi, salamangka, sirko, tinuruang hayop, panggagagad, eksena sa teatro, burlesk, at marami pa na nagmula sa iba’t ibang popular na palabas sa Kanluran.

May ulat na ginamit ang vaudeville na pag-aliw sa mga sundalong Americano sa Filipinas. Noong 1901, ibinabando sa Teatro Zorilla ang mga bumibisitang tropang vaudeville sa pamagat na “Novelties in Manila.” Sa bandang 1910, ilang artistang Filipino ang nagsagawa ng vaudeville, kabilang sina Atang de la Rama at Katy de la Cruz, at ginamit itong intermisyon sa sarsuwela. Ang intermisyon ay tinatawag kung minsang jamboree. Noong 1920, isang mang-aaliw na Filipino, si Luis Borromeo, ang bumalik mulang Estados Unidos, binago ang pangalan sa “Borromeo Lou,” at nagtatag ng itinuturing na unang kompanyang bodabil. Ang pangunahing bilang ng kompanya ay isang banda na tumutugtog ng “classical jazz music” kayâ sinasabing ang banda ni Borromeo ang nagpopularisa ng jazz sa Filipinas. Si Borromeo din ang bumuo ng “vod-a-vil” na naging bodabil.

Pagdating ng 1941 may 40 teatro nang nagtatanghal ng bodabil. Naging pangunahing palabas din ito sa mga karnabal at mga pista hanggang sa mga probinsiya. Naging bituin ng samot-saring bilang ang mangangantang si Diana Toy, mananayaw na si Bayani Casimiro, manggagaya ni Charles Chaplin na si Canuplin, at iba pang naging mga bituin sa pelikula. Ipinagbawal ang mga impluwensiya Americano noong panahon ng Pananakop na Hapones ngunit nagpatuloy ang bodabil sa mga teatro. Pagkaraan ng Liberation at sa ilalim ng pinalayang Republika, naging isang galamay ang bodabil sa pagpapasok ng pinakabagong aliwan mulang Estados Unidos. Hanggang sa kasalukuyan, ang halo-halong mga bilang sa mga palabas sa TV ay malinaw na nakaugat sa alaala ng bodabil. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bódabíl. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bodabil/