Biyólin

musical instruments, music, musicians

Ang biyólin ay isang de-kuwerdas nainstrumentong pangmusika May apat itong bagtingi na pinapatunog sa pamamagitan ng isang bow o arko. Ito ang may pinakamataas na tono sa kinabibilangan nitóng pamilya ng instrumento na kasáma ang viola, cello, at double bass.

Gawa sa iba’t ibang uri ng kahoy ang katawan ng biyolin, tulad ng drupe at maple. Mula naman sa pinagsasáma-sámang pinatuyong bituka ng hayop ang mga bagting, na madalas ay may halòng pilak o aluminyo, bakal, o perlon. Ang arko naman ay gawa sa pakurbang kahoy na may nakatali sa magkabilang dulo na mga buhok mula sa kabayo.

Lumitaw ang biyolin sa Italya noong mga 1500.  Pinaniniwalaang  nagmula  ito  sa dalawang midyibal na instrumentong viele o fiedel at rebec (na pawang ginagamitan ng arko sa pagtugtog) at sa lira da braccio, isang instrumentong kahawig ng biyolin na lumitaw sa panahon ng Renasimyento. Dahil sa paggamit sa biyolin sa mga opera noong mga 1600, naging tanyag ito at naging isang pangunahing instrumento sa orkestra. Bago ang siglong ito, mababà ang estado ng biyolin dahil ginagamit lamang ito upang saliwan o sabayan ang isang sayaw o awit.

Dalawa sa mga kilaláng biyolinista sa Filipinas ay sina Patricio Mariano, na bantog din bilang mandudula, manunulat at rebolusyonaryo, at at Oscar Yatco, na isang konduktor at propesor ng musika. (MJCT)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Biyólin. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/biyolin/