biyâ

Philippine Fauna, fish, aquatic animals, smallest fish, commercial fishing, fisheries

Ang biyâ ay kabilang sa pamilyang Gobiidae na may pinakamahabàng kasaysayan ng taksonomiya. Ang pinakamaliit na isda sa buong mundo ay kabilang sa pam-ilya nitó. Naitalâ na may mahigit na 1,500 specie sa 230 henera ng biya. Ito ay matatagpuan sa tropiko, subtropiko at malalamig na karagatan, tubig-tabang at baybayin.

Maaaring may matinik sa likod o wala; kapag mayroon, ito ay may 2–8 nababaluktot na tinik na hindi karugtong sa malambot na bahagi ng likod. Ang palikpik sa katawan ay magkarugtong at ginagamit na panghawak ng bato at iba pang bagay na nása paligid. Ang gamit na ito ay kahalintulad sa mga aparatong panghigop na tinataglay din ng ibang isdang tulad ng remora. Ang mala-bigoteng organo sa ulo ay makikita sa mangilan-ngilang uri. Ang karaniwang habà ay kulang sa 10 sm at ang pinakama-habàng naitalâ ay 100 sm.

Ito ay kadalasang naglalagi sa dagat at maalat-alat na tubig. May ilang nakatira sa ilalim ng tubig, bangkota, at estuwaryo at nagtataglay ng kakayahang huminga ng hangin. Ang iba ay naninirahan sa tubig-tabáng at lumilipat sa maaalat na tubig para mangingitlog. Ang halimbawa nitó ay ang Glossogobius giuris na makikita sa malabòng tubig ng sapà na mabato at mabuhangin ang ilalim. May iba namang nangingitlog sa pugad at ang hindi bilugang itlog ay binabantayan ng lalaki.

Kumakain ito ng maliliit na imbertebrado, lumulutang na organismo, at isda. Subalit ang biyâ ay nagsisilbi ring pagkain ng ma-lalaking isda. Kakaunti ang hinuhúli bilang pagkain ng tao ngunit sikát ito sa kalakalan ng akwaryum. May relasyong simbiyotiko ito sa ibang organismong tulad ng hipon at tinatanggal din nitó ang parasito sa katawan ng ibang isda.

Sa Filipinas lang matatagpuan ang dalawang uri ng biyâ na tinaguriang pinakamaliit na isda s a buong mundo. Ito ay ang Mistichthys luzonensis o sinara-pán (pinakamahabà ay 2.5 sm) at ang Pandaka pygmaea (pinakamahabà ay 1.1 sm). Ang mga ito ay nanganganib na maubos dahil sa ibayong pangigisda, polusyon, at pag-kasira ng tirahan. (MA)

Cite this article as: biyâ. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/biya/