bisugò
Philippine Fauna, fish, commercial fishing, aquatic animals, fisheries
Ang isdang bisugò ay kabilang sa pamilyang Nemipteridae at ang pinakamaraming uri ay nása grupong Nemipterus. Matatagpuan ito sa kanluran ng Indo-Pacifico. Ang produksiyon nitó ay importante para sa komer-siyal at maliliit na mangingisda sa Filipinas.
Ang katawan ng bisugo ay biluhabâ, katamtamang malalim, at siksik. Ang bibig ay maliit o katamtaman ang laki at ang panga ay bahagyang nakausli. Ang mga genus na Nemipterus at Pentapodus ay may malalaking ngipin sa unahan. Ang tuloy-tuloy na palikpik sa likod ay may 10 tinik at ang puwit ay may 3 tinik. May ilang uri na may pilamento sa itaas na bahagi ng palikpik sa likod. Ang buntot ay magkahiwalay. Ang babae ay maliit samantalang ang lalaki ay mas malaki. Iniulat na may mga specie ng Scolopsis na nagtataglay ng kasarian ng babae kapag batà pa at maaaring magbago ito para maging lalaki kapag nagkaedad na. Ang kulay ng katawan ay pabago-bago ngunit madalas ay kulay rosas o mapulá-pulá na may markang pulá, dilaw, o asul.
Ang bisugo ay naglalagi sa mababaw at malalim na parte ng dagat (300–400 m), maputik at mabuhanging baybay, at bangkota. Ito ay karniboro at kadalasang kumakain ng maliliit na isda, kopepod, krustaseo at lumulutang na organismo. Maaaring mamuhay nang nag-iisa o nagsasáma-sáma at hindi ugali ang pagiging teritoryal.
Ito ay nahuhúli sa pamamagitan ng palakaya, palupad, kawil, pante, salambaw, tusok, baklad, at salakab. Ang Scoliopsis ay hinuhúli nang buháy sa pamamagitan ng kawil para sa kalakalan ng akwaryum. Ayon sa pag-aaral, ang pagtatayô ng mga santuwaryo ng isda at res-erba sa mga bangkota ay nakakatulong sa pagpapadami nitó. Ang bisugo ay sikat na pagkaing Pinoy. Ito ay ib-inebenta nang sariwa, tuyo, inasnan, pinausukan, buro, at pinasingawan. Ito ay ginagamit din sa paggawa ng pisbol, piskeyk, at surimi. (MA)