Bírheng Mariá

Virgin Mary, devotion, pilgrimage, Christianity in the Philippines, Catholicism in the Philippines, Christianity, Catholicism

Ang Bírheng Mariá   (Bír·heng Mar·yá) ay isang babaeng Hudyo mula sa Nazareth, Galilea. Sa Bagong  Tipan  ng  Bibliya, siyá ang itinuturing na ina ni Hesus. Nakasaad sa mga Mabuting Balita nina Mateo at Lucas na si Maria ay isang birhen. Ang Kristiyano ay naniniwala na himalang ipinagbuntis ni Maria si Hesus sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa Bagong Tipan, ang búhay ni Maria ay nagsimula nang ipahayag ng anghel Gabriel ang kaniyang pagdadalang-tao. Sa tradisyon ng Simbahan, ang mga magulang ni Maria ay sina San Joachim at Santa Anne. Matatagpuan din sa Bibliya ang pag-aakyat ng mga anghel kay Maria sa langit nang ito ay mamatay sa lupa.

Ang salitâng “Maria” ay base sa orihinal na pangalan niyang Hebrew na “Miryam.” Sa Bagong Tipan, mapapansin na ang ginagamit na pantawag sa kaniya ay Maria. Sa Mabuting Balita ayon kay San Lucas, labindalawang beses tinawag si Maria sa kaniyang pangalan samantalang limang beses kay San Mateo. Ipinagdiriwang ang kapanganakan ni Maria tuwing ika-8 ng Setyembre samantalang ang kanyang kamatayan at pag-aakyat ng mga anghel sa kaniyang katawan sa langit ay tuwing ika-15 ng Agosto. Ang kanyang asawa ay si Jose na siyá ring kasáma niya nang isilang si Jesucristo sa sabsaban. Ang kaniyang pinsang si Elizabeth ay nabuntis din sa kabilâ ng kaniyang katandaan. Si Maria ay itinuturing na ina ng Simbahang Katoliko. (IPC)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bírheng Mariá. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/birheng-maria/