binúkot
beliefs, customs, traditions, women, epics, folklore
Ang binúkot ay isang babae na itinago at ikinulong sa isang madilim na silid ng bahay. Hindi ito pinapaarawan, at hindi rin pinapatapak sa lupa dahil tinuturing itongsagrado, at halos mistikal. Sa mga pag-aaral at panananliksik ni Dr. Alica Magos, napag-alaman na ang binukot ay bahagi ng kultura at kaugalian ng mga Panay Sulodnon, Panayanon-Sulod o Panay Bukidnon, isang pangkating kultural sa kabundukan ng Panay, sa Tapaz, Calinog, at Lambunao sa Iloilo at Capiz. Ang katagang ‘binukot’ ay nanggaling sa salitâng na “bukot” na ang ibig sabihin ay “itago o ikubli.”
Malaki ang papel na ginagampanan ng mga binukot sa kultura ng tribong Bukidnon. Tinuturuan silá ng mga oral tradisyon at pagkanta ng Hinilawod, na epikong-bayan ng Panay. Ang pagkanta ng mga sugilanon o kuwentong ito ay tumatagal nang lagpas sa tatlumpong oras para sa isang kanta lamang. Tinatayang may sampu hanggang labindalawang sugilanon at tumatagal ang pagkanta ng mga ito nang mahigit sa sandaan at dalawampung oras. Bilang tagapag-alaga at tagapagpatuloy ng kultura at tradisyon, ang mga binukot ay sinasabing may kapangyarihan din sapagkat pinapalabas silá para kumanta, tumugtog ng mga katutubong instrumento at sumayaw lalong-lalo na sa panahon ng tag-ani at sa panahon ng pagtanim at pinaniniwalaang ang pagkanta nilá ay nagbibigay ng sigla sa lupa upang maging mabunga ang mga pananim. Karaniwan din na ang mga binukot ay inaalayan ng mas mataas na dote para mapangasawa at ang pag-aasawa ng isang binukot ay para lámang sa mga may mataas na katayuan sa komunidad.
Sa kuwentong Humadapnon sa Hinilawod, kinailangang isalba si Humadapnon ni Nagmalitong Yawa, isang mahusay at makapangyarihang babaylan na nagsaanyong lalaki bilang si Buyong Sumasakay, dahil nabihag si Humadapnon sa kuweba ng Tarang-ban. Pinatay ni Sumasakay ang isang libong binukot na pinamumunuan ng magkapatid at makapangyarihang binukot na sina Sinangkating Bulawan at Lubay Hanginon. Ang binukot ay isang kaugalian na unti-unti nang namamatay dahil sa modernisasyon at kakulangan ng pagpansin at pagkalinga sa komunidad sa mga kabundukan ng Panay, at dahil na rin sa pagbabâ ng kababaihan patungo sa mga lungsod at sentro ng bayan upang mag-aral o maghanap ng mas magandang buhay. (MLM)