bingwít

tools, fishing

Ang bingwít ay isang kasangkapang pangisda na binubuo ng lubid na yari sa naylon at kawil. Ang kawil na nakakabit sa dulo ng naylon ay gawa sa metal at nilalagyan ng pain. Ang pain ay artipisyal o natural. Ang artipisyal na pain ay maaaring gawa sa seda samantalang ang natural na pain ay maliliit na isda. Ang kawil ang siyáng humuhúli sa isda sa pamamagitan ng pagkalawit dito.

May iba’t ibang disenyo, pagkakagawa, at pamamaraan ng paggamit ng bingwit. Ang pagkakaiba ay depende sa kung anong klase ng isda ang hinuhuli. Iba’t ibang klase ng isda ang nahuhuli at ang dami ng huli ay ayon sa laki ng naylon, kawil at pain na ginagamit. Ang karaniwang nahuhuli ay bisugo, lapu-lapu, tuna at iba pa. Maaaring gamitin habang nakaangkla o umaandar ang bangka.

Ang bingwít ang pinakakaraniwang gamit pangisda ng mga maliliit at komersiyal na mangingisda sa mababaw at malalalim na bahagi ng tubig. Maaaring gumamit ng bangkang sinasagwan o de-motor na may bigat na tatlo hanggang 30 tonelada. Ang isdang nahúli ay inaangat sa pamamagitan ng kamay o makina depende sa klase ng operasyon. Ito ay itinuturing na mainam na gamit pangisda dahil namimilì ng isdang huhulihin base sa species at laki. Sa pamamagitan ng paggamit ng wastong laki ng kawil at naylon, at kaukulang pain, maaaring makapamilì ng isdang huhulihin. Ito ay puwedeng gamitin sa mga isdang nangingitlog na kadalasang kumakagat sa pain kapag kompleto na ang pangingitlog. Ang bingwit ay ginagamit sa maikling panahon upang ang anumang hindi nais na species ng isda ay maaari pang ibalik sa dagat nang buhay.

Ang bingwít ay isa sa mangilan-ngilang gamit pangisda na pinahihintulutan sa loob ng sanktuwaryo ng isda o reserba. (MA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bingwít. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bingwit/