Bínga Dam

hydroelectric plant, dam, infrastructure, energy, electricity

Ang Bínga Dam o Dikeng Binga ay matatag-puan sa kabundukan ng Itogon, Benguet, 31 km mula sa Lungsod Baguio at 19 km mula sa Dikeng Ambuklao. Bahagi ito ng Binga Powerplant, na siyáng gumagamit sa Ilog Agno upang makalikha ng koryente. Bukod dito, tumutulong ang dike na kontrolin ang pagbahâ tuwing tag-ulan. Nagsisilbi din itong pook pasyalan at panghatak ng turista ng bayan ng Itogon.

Mayroong taas na 107.37 m at habàng 215 m ang dike. Ang kalsada sa itaas ng dike ay may lapad na 8 m. Káyang humawak ng dike ng hanggang 87.44 milyong metro kubiko ng tubig. Pagkagawa nitó noon, káyang mag-ambag ng dike ng 100 megawatt ng koryente, at sinisikap itong itaas ngayon sa 120 megawatt.

Sa pangangasiwa ng National Power Corporation (Napocor), sinimulang itayô ang dam noong 1956 at binuksan pagkatapos ng apat na taon. Ang Philippine Engineers Syndicate, Inc. ang humawak sa civil works ng proyekto. Tulad ng nangyari sa paggawa ng ibang dam sa Filipinas, maraming mamamayan ng baryo ng Binga ang ipinalipat ng tahanan; nalubog naman sa artipisyal na lawa ang mga lupain ng kanilang mga ninuno. Nagkaroon ang dam ng malaking pinsala sa lindol ng Luzon noong 1990 at muli lamang isinaayos. (PKJ)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bínga Dam. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/binga-dam/