Binatbatang Platong Tanso sa Laguna

Ang Binatbatáng Plátong Tansô sa Lagúna o Laguna Copperplate Inscription (LCI) (La·gú·na Ká·per Pleyt Ins·kríp·syon) ay mga sulat sa sinaunang baybayin na na- kalimbag sa manipis na pirasong tanso na may sukat na 20 x 30 sentimetro. Kahawig ito ng sistema ng panulat sa Java, Indonesia noong 750 hanggang 950 A.D. at na- glalamán ng Taóng Saka 822 o 900 A.D. Nalipat sa pan- gangalaga ng Pambansang Museo ng Filipinas ang LCI noong dekada 1990 pagkatapos itong bilhin mula sa isang kolektor ng antigong mga  kasangkapan.

Sa pag-aaral nina Antoon Postma at Johan de Casparis, mga eksperto sa sinaunang pagsulat, ang wikang ginamit sa pagsulat ay matandang Tagalog na may halòng San- skrit, matandang Malay, at Java. Ang teksto diumano ay tungkol sa isang mahalagang tao na hindi pa nababayaran nang buo ang pagkakautang ng ginto kayâ nahaharap sa panganib ng pagkakaalipin. Noong Taóng Saka 822, Marso hanggang Abril, Lunes, ibinigay kay Binibining Angkatan kasáma ang kamag-anak na si Bukah ang do- kumentong nagpapawalang-sála sa Kagalang-galang na si Namwran. Kasáma sa napalaya ang mga kamag-anak ng nagkautang na dapat ay magiging kabayaran din. Sinu- portahan ng ilang mga pinunò ang pagpapawalang-bisà sa kaso bagaman nakasaad na sa hinaharap, posibleng may táong hindi sasang-ayon sa desisyong ito. Pero hindi na maláman ang kongklusyon dahil putol ang inskripsiyon sa ika-10 linya. Maaaring nása ibang piraso ng tanso ang karugtong nitó na kailangan pang makita upang mabuo ang kuwento. Gayunman, ang LCI ay isang materyal na patunay ng isang maunlad na katutubong sistema hindi lámang ng edukasyon kundi ng batas at konsepto ng katarungan. (JM)

Cite this article as: Binatbatang Platong Tanso sa Laguna. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/binatbatang-platong-tanso-sa-laguna/