binánog

Ang binánog ay isang katutubong sayaw ng mga Manobo. Malaking bahagi ng sayaw ang paggaya sa mga kilos ng ibong banog o lawin kayâ tinawag itong “binánog.” Ang ritmo ng sayaw ay 1-2-3-4. Sinasabayan naman ito ng mga gong at iba pang katutubong instrumento.

Sa pagsayaw ng binanog, katumpakan at kaliksihan ng mga galaw ng paa ang kailangang maisagawa ng mga mananayaw. Dalawa sa pinakaginagamit na galaw ng paa ang pagtalon at pagdausdos. Sa bersiyon ng mga Cotabato Manobo, inihuhulog ng isang babaeng mananayaw ang kaniyang panyo at pupulutin niya ito habang iminimuwestra ang mga kamay at braso tulad ng sa banog. Sa mga Pulangi Manobo, bahagi ng mas malaking sayaw ng panliligaw ang binanog.

Makukulay ang kasuotan ng mga mananayaw ng binanog. Ang babaeng mananayaw ay nagsusuot pa ng mga palamuti sa sakong at mga hikaw na umaabot hanggang balikat.

Bukod sa binanog, dalawa sa mga sayaw ng mga Manobo na ginagaya rin ang galaw ng mga ibon ay ang kakaya-matan at ang bubudsil. (MJCT)

 

 

Cite this article as: binánog. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/binanog/