binakól

Food, cuisine, Filipino Cuisine, recipe, cooking

Maaaring isadula ang posibleng kasaysayan ng binakól sa ganitong paraan. Maaaring magsimula sa nilagàng manok. Ang pinakasimpleng sinabawang piraso ng manok na may luya bílang pampalasa. Nilagyan ng paminta, nilagà pa rin. Nilagyan ng repolyo at patatas, nilagà pa rin. At saging na saba, nilagà pa rin. Maaari pa ngang ihanda nang hiwalay ang mga nilagàng repolyo, patatas, saging, at kahit kamote’t sitaw at kainin kasabay ng paghigop ng sabaw ng manok.

May nakaisip ng pagbabago. Ang nilagàng manok na may luya’t bawang ay nilagyan ng mga piraso ng hilaw na papaya at úpo. Nakilála itong tinóla. Isang higit na matipid na putahe ngunit may linamnam ang mainit na sabaw na hihigop-higupin kung malamig ang panahon. Tandaan ang tinóla sa malaking piging na handog ni Kapitan Tiyago sa pagdating ni Crisostomo Ibarra. Nagustuhan din ng mariwasa sa panahon pa ni Rizal ang linamnam ng sabaw ng tinóla.

Mula sa paghahanap ng bagong linamnam ng sabaw ng manok maaaring pumasok ang binakól. Nagsisimula din ito sa ginisang luya’t bawang at ang mga piraso ng manok. Kapag halos luto na ang manok ay magbuhos ng ilang tasa ng hugas-bigas. Sa wakas, kapag maaari nang ihain ang manok ay idagdag ang malalaking piraso ng kinayod na lamán ng búko ng niyog, ilang tasa ng sabaw ng búko, at mga dahon ng sili. Ang mga sariwang piraso ng lamán at sabaw ng búko ang ikinaiba ng binakól sa mga sabaw ng iba’t ibang nilagàng manok.

Karaniwan din sa binakol ng mga Ilonggo na inilalagay ang putahe sa loob ng niyog kayâ lalong nagdudulot ito ng lasang niyog sa ulam. (LJS) (ed VSA)

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: binakól. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/binakol/

 

Related Articles