bilyár

sports, billiards

Ang bilyár ang isa sa pinakapopular na larong pampalakasan sa buong Filipinas. Tulad ng basketbol, makikita itong nilalaro sa kanto-kanto; sa katunayan, ang ilan sa pinakamagalíng na manlalaro ng bilyar sa buong daigdig ay nahasa sa mga maliit na bilyaran ng ating bansa.

Maaaring tumukoy ang salitang ”bilyar” sa kahit alin sa mga isports na gumagamit ng tako (cue stick sa Ingles), tulad ng snooker, English billiards, at pool. Ang huli ang higit na nilalaro sa ban-sa, lalo ang mga bersiyon nitong eight-, nine-, at ten-ball. Nilalaro ang bilyar sa pagtira ng cue ball (putîng bola na walang numero) gamit ang tako upang pabanggain ito sa iba pang bola na dapat pumasok sa mga butas sa gilid ng mesa.

Kilalá ang Filipinas sa buong mundo bilang isang sentro ng larong bilyar. Dito ginaganap ang ilan sa pinakapremyadong torneo sa buong mundo, at daan-daang manlalaro, lalaki at babae, mula sa iba’t ibang bansa ang dumadayo sa bansa upang makipagtagisan ng galíng sa mga Filipino. Maituturing na mainam na paraan ng ”sports tourism” ang pagsusúlong ng mga ganitong paligsahan.

Ilan sa mga pangunahing manlalaro ng bilyar sa kasalukuyan ay mga Filipino. Nangunguna sina Francisco ”Django” Bustamante, Ronato Alcano, Dennis Orcollo, at lalo na si Efren ”Bata” Reyes, na kinikilála ng mga internasyonal na eksperto ng bilyar bilang isa sa pinakadakilang manlalaro sa kasaysayan, at siyá ring unang Asyano na mahirang sa Hall of Fame ng Billiards Congress of America. (PKJ)

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bilyár. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bilo-bilo/