biláo

handicrafts, basketry, weaves

Ang biláo ay isang uri ng bilóg at mababaw na basket, masinsin ang pagkalála, at at karaniwang ginagamit sa pagtatahíp—ang gawaing kaugnay ng pag-aalis ng dumi at hindi kailangang bagay na nakahalò sa nililinis na, palay, mais, munggo, at iba pang butil. Inilalagay ang mga butil sa biláo na ulit-ulit itinatahip o iginagalaw na tila nililindol upang umilandang ang mga butil at bumagsak muli sa bilao sa paraang nahihiwalay ang dumi, buhangin, at yagit sa mga butil ng bigas o mais. Pagkatapos ng pagtahip, pinupulot ng nagtatahip ang mga dumi upang itapon. Samantala, may mahusay magtahip na ganap na naihihiwalay sa isang panig ng bilao ang mga dumi kayâ sa dulo’y itinatahip ang dumi pabagsak sa lupa.

Isa pang paraan ng paglilinis sa bigas ang pagpapahángin. Sa prosesong ito, ang bagong binayóng bigas ay isinasalin mula sa lusong o bayuhan tungo sa bilao. Pagkatapos, itinataas ng nagpapahangin ang bilao at itinitikwas upang bumuhos ang nilalaman habang sumusutsot upang tumawag ng hangin. Sa bahagyang hihip ng hangin, naghihiwalay ang mabigat na mga butil ng bigas at ang magaang nadurog na balát ng palay o darak. Sa gayon, sa wakas ng pagpapahangin ay makabubuo ng isang tumpok ng bigas na nakahiwalay sa tumpok ng darak o ipa.

Ang biláo ay ginagamit ding sisidlan ng hinahakot na gu-lay, prutas, atbpang bagay. Sa palengke, itinatanghal ang maraming uri ng paninda—mula sa kamote, tumpok ng kape, hanggang tulya at isda—sa pamamagitan ng mga biláo. Tradisyonal ding sinusukat ang laki ng pansit malabon sa laki ng ginagamit na sisidlang biláo. (MJCT)

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: biláo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bilao/