bigáy-káya

weddings, traditions, customs, wedding traditions, romance, engagement

Ang bigáy-káya ay bahagi ng tradisyonal na kaugalian hinggil sa pag-aasawa. Kapag nagkasundo sa pag-iisang-dibdib ang mga pamilya ng isang binata at isang dalaga, hinhilingan ang binata o ang pamilya nitó ng kaukulang “bayad” sa halaga ng babae. Katulad ito ng dóte sa tradisyong Kanluranin. Gayunman, may mga aspekto ang bigáy-káya na wala sa pagbibigay ng dote sa Europa.

Ang pangunahing bigáy-káya ay handog ng lalaki sa ma-pangangasawa. Noong sinaunang lipunan, maaaring bu-uin ito ng mga kasangkapan, ginto, bukirin, at alipin. May hiwalay ding handog ang lalaki sa magulang ng babae at tinatawag itong panghimúyat (bayad sa pagpupuyát at iba pang sakripisyo ng magulang sa pagpa-palaki sa anak). Bukod pa dito ang handog sa yaya o nag-alaga sa babae noong batà pa at tinatawag namang bigáy-súso.

Malimit na nagsisimula ang lahat sa panliligaw ng binata sa dalaga. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng mga libreng serbisyo sa tahanan ng dalaga—paglilinis ng bakuran, pag-igib ng tubig mula batis o balon, pagtulong sa pagsasaka o pangingisda. Ito ang tunay na kahulugan noon ng panunuyò o pagpapamalas ng pagsuyò. Sa pamamagitan ng paninilbihan sinusukat ang sigasig ng lalaking umiibig. Kapag nakakita ng pag-asa, idinadaos ang pamanhikan o literal na pagpanhik sa bahay ng babae. Isinasáma ng lalaki ang kaniyang magulang at iba pang iginagalang na tagapamagitan sa nayon upang pormal na hingin ang kamay ng sinisinta. Isang masalimuot na okasyon ang pamanhikan, gaya ng mababása sa maikling kuwentong “Kung Bagá sa Pamumulaklak” ni Macario Pineda. Sa pag-uusap sa pamanhikan naipapasiya ang kailangang tupding bigáy-káya bago ang kasal. (RRSC)

 

 

 

 

 

Cite this article as: bigáy-káya. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bigay-kaya/

 

Related Articles