Bicol Express

transportation, railway, Philippine National Railways

Tinaguriang “Bicol Express” (Bí·kol éks·pres) ang rutang Maynila-Bikol ng Philippine National Railways (PNR), isang kompanyang pagmamay-ari ng pamahalaan.

Itinatag ang PNR noong 1875 bílang Ferrocaril de Manila-Dagupan at nagsimula sa rutang papunta ng Pangasinan. Paglaon ay dinugtungan ang riles pahilaga ng linyang Maynila-Legaspi. Naganap ang unang biyahe pa-Bikol noong 1931, at pitóng taón ang lumipas bago naman nabuo ang daambakal mula Dagupan hanggang Legazpi. Sa loob ng ilang dekada, naging popular ito sa mga manlalakbay na pinili ang mas mura at mabilis na biyaheng tren kaysa mamahaling eroplano at mabagal na kotse. Gayunman, mula dekada 70 ay kinaharap ng Bicol Express ang sunod-sunod na hamon sa popu-laridad at kaligtasan nitó: pagpapaunlad sa bahaging Maynila-Bikol ng Maharlika Highway, paglago sa bílang ng mga air-conditioned na bus, pagbaba sa presyo ng biyaheng eroplano, at pagsabog ng Bulkang Mayon noong 1993, at iba’t ibang bagyo at baha. Nagdulot ng malaking pinsala sa daambakal ang mga bagyong Milenyo at Reming noong 2006, at tuluyang nahinto ang biyaheng Bikol ng PNR.

 

Pagkatapos ng ilang taón ng masugid na rehabilitasyon ng riles, binuksang muli ang Bicol Express noong 2011. Sa panahon ng pagkakasulat ng artikulong ito, araw-araw ang biyahe ng mga treng mulang Maynila patungong Naga sa Camarines Sur; hindi pa naibabalik ang serbi-syong patungong Legaspi sa Albay. Ipinangalan din ang popular na maanghang na pagkaing “Bicol Express” sa rutang ito. (PKJ)

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bicol Express. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bicol-express/