bibingká

Food, cuisine, Filipino Cuisine, recipe, rice, sticky rice, rice cake, cooking

Isang uri ng kakanin ang bibingká na gawa sa giniling na bigas at iniluto sa gatâ ng niyog at may timplang asukal. Kinakain itong kasáma ang bagong kudkod na niyog. Kung espesyal, nilalagyan ito ng mga piraso ng itlog na maalat at kesong putî sa iba-baw. Tinutukoy ng pangalan nitó ang paraan ng pagluluto sa naturang kakanin. Wika nga ng isang kanta, tumutukoy ang bibingká sa bagay na iniluluto nang may apoy sa ibabaw at may apoy sa ilalim.

Inihuhurnong tulad ng tinapay o keyk ang bibingká. Ngunit dahil walang hurno sa kanayunan noon, inimbento ng mga Filipino ang bibingkahan. Inihuhurno ang kakaníng ito sa isang platong metal na may sapíng dahon ng saging at isinasálang sa kalan ng nagbabágang uling. Pagkatapos, ipinapatong sa plato ang sampirasong kuwadradong yero na may nagbabágang bunót ng niyog.

Bibingká sa galapóng ang karaniwang iniluluto sa Kamaynilaan, lalo na kapag panahon ng Pasko. May gilingang bato noon para gawing galapóng ang bigas. May bibingká ngayong gawâ sa kamoteng-kahoy. May timplang tubà ang bibingkáng Mandaue. Samantala, may nagtuturing na bibingká ang bíko dahil inihuhurno din ang bigas na may gatâ at asukal na may timplang anis. (GCA)

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bibingká. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bibingka/

 

Related Articles