Bíag ni Lám-ang

epics, folklore, epic heroes, folk stories

Sinasabing pinakapopular na epikong-bayan, ang Biag ni Lam-ang ay nagmula sa Hilagang Luzon, partikular na sa mga lalawigan ng Ilocos at La Union. Nag-iisa itong Kristiyanisadong epikong-bayan at pruweba nitó ang paggamit ng mga pangalang naimpluwensiyahan ng Katolisismo. Sinasabing ang paring si Gerardo Blanco ang nagtalâ ng epikong-bayan noong 1889 at si Canuto Medina na nagtalâ noong 1906. Sinundan ito ng bersiyon na nailathala sa La Lucha, ang bersiyon ni Parayno noong 1927 at pinagsáma niya ang unang dalawang bersiyon at ang bersiyon ni Leopoldo Yabes noong 1935.

Umiikot ang epikong-bayan sa buhay ng pangunahing tauhan na si Lam-ang. Bago siyá ipanganak ni Namon-gan, inutusan ng kaniyang ina ang kaniyang ama na si Don Juan Panganiban na manguha ng mga kahoy. Ngunit hindi na bumalik si Don Juan hanggang ipinanganak niya si Lam-ang. Pambihirang batà si Lam-ang dahil káya na niyang magsalita at may taglay siyáng kakaibang lakas. Itinanong ni Lam-ang kung nasaan ang kaniyang ama. Nang sinabi ng kaniyang ina na umalis ang kaniyang ama upang labanan ang mga Igorot, nag-ayos si Lam-ang at pumunta sa lugar ng mga Igorot kahit hindi pumayag ang kaniyang ina. Nakita niya na nagsasagawa ng sagang ang mga Igorot. Nang lumapit siyá, nakita niya ang ulo ng kaniyang ama. Pinagpapatay niya ang mga Igorot.

Nang bumalik siyá sa bayan, may mga dalagang naghihintay sa kaniya upang paliguan siyá. Nang maligo siyá sa Ilog Amburayan, namatay ang mga isda sa baho ng kaniyang libag. Hinanap niya ang dalagang nagnangangalang Ines Kannoyan, anak ng pinakamayamang tao sa Kalanutian. Pumunta siyá sa nasabing lugar, kasáma ang tandang at aso niya. Nakarating siyá matapos ang pakikipaglaban kay Sumarang at pang-aakit ni Sarin-dang. Nasindak sa kaniya ang mga lumiligaw kay Ines Kannoyan. Naibigay din niya ang lahat ng mga hiling ng magulang nitó kayâ ikinasal ang dalawa. Minsan, nangisda si Lam-ang at nakain siyá ng berkakan, isang malaking isda. Isang maninisid ang nakakuha ng kaniyang labí at sa tulong ng kaniyang tandang, muli siyáng nabuhay at namuhay nang matiwasay. (SJ)

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bíag ni Lám-ang. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/biag-ni-lam-ang/