Bernardo Carpio
folklore, legends, epic heroes, epics, theater, film, cinema, popular icons
Ang Bernardo Carpio (Ber·nár·do Kar·pi·yó) o Historia Famosa ni Bernardo Carpio sa Reinong Espana, na Anak ni D. Sancho Diaz at Dona Jimena ay isang awit o mahabang tulang pasalaysay na isinulat noong siglo 19. Ipinapalagay na sinulat ang Bernardo Carpio ni Jose dela Cruz o Huseng Sisiw. May limang edisyong Tagalog ito, ang pinakamatanda ay ang edisyong 1860. Isinalin din ito sa mga wikang Bikol, Ilonggo, at Ilokano.
Batà pa si Bernardo ay nagpamalas na siyá ng pambihi-rang lakas. Matapos niyang talunin sa isang duwelo ang nagbalatkayong ama niyang si Don Rubio, siyá ay itinalaga bilang heneral ng hukbo ng España. Kasunod nitó’y nalupig ni Bernardo ang kaharian ng isang makapangyarihang emperador na nagngangalang Carpio. Bilang pagkilala sa kaniyang galíng, tinawag siyáng Don Bernardo Carpio. Pagkaraa’y natuklasan na rin ni Bernardo ang totoo sa kaniyang pagkatao—ang tunay niyang mga magulang at ang kinaroroonan ng mga ito. Sandali niyang nakapiling ang kaniyang magulang— ang kaniyang ama ay pumanaw at ang nagluluksa niyang ina ay bumalik sa kumbento.
Si Bernardo naman ay patuloy sa paglupig sa mga bansang di binyagan. Dahil sa paghabol sa kidlat, nakulong siyá sa isang bundok. Natapos ang romanse ngunit may alamat na si Bernardo ay nakahimlay sa isang marmol na kama sa loob ng kuweba. Diumano, balang araw ay babangon siyá para sagipin ang bayan.
May mga alamat na si Bernardo Carpio ang Haring Tagalog na nakatanikala at nakaipit sa dalawang nag-uumpugang bundok. Kapag nakawala si Bernardo Carpio ay mangunguna siyá sa pagpapalaya ng bayan. Bago mag-20 siglo, may kuwento pa tungkol sa pagtatagpo ni Bernardo at ni Rizal. Maaaring binása ito ng taumbayan bilang talinghaga ng mithiin nilang lumaya.
Ang Bernardo Carpio ay naisalin na rin sa pelikula noong 1951, sa entablado noong 1976, at sa mga kuwentong pambata. (GSZ)