Ishmael Bernal

(30 Setyembre 1940 – 2 Hunyo 1996)

National Artist for Film

Si Ishmaél Bernál ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula noong 2001. Isa siyáng direktor sa pelikula at itinuturing na pangunahing haligi ng tinaguriang Ikawalang Gintong Panahon ng pelikulang Filipino. Isa siyá sa nagpaunlad at nagtaas ng kalidad ng pelikula sa pamamagitan ng paglihis sa nakagawiang pamamaraan at nilalaman sa paglikha ng pelikula.

Mga mohon sa larang ng paglikha ng pelikula sa bansa ang mga obra niyang Pagdating sa Dulo (1971), Nunal sa Tubig (1976), Manila By Night (inilabas na City After Dark, 1980), Himala (1981) at Hinugot sa Langit (1985). Ilan pang mahahalagang hiyas sa mahigit sa 50 pelikulang nagawa ni Bernal ay ang sumusunod: mga tumatalakay sa kasaysayan na El Vibora (1972) at Lahing Filipino (1976); mga may temang nagpapalawig sa iba’t ibang uri ng kara- kter ng indibiwal at pakikipagrelasyon; Pabling (1981), Ligaw na Bulaklak (1976), Working Girls I (1984), Till Death Do Us Part (1972), Walang Katapusang Tag-Araw (1977); Galawgaw (1982), Ito Ba ang Ating Mga Anak (1982); eksperimental na pelikula, ang Scotch on the Rocks to Remember, Black Coffee to Forget (1975). Ang peliku- lang Wating (1994) ang pinakahuling obra ni Bernal.

Bukod sa paggawa ng pelikula ay nasangkot din siyá sa dulaan. Gumanap siyá sa mga dulang Kamatayan sa Anyo ng Isang Rosas (1991) at Bacchae (1992). Nagbigay rin siyá ng mga palihang panteatro at nagdirihe ng mga dula para sa Sining, isang pederasyon ng mga grupong panteatro ng mga kabataan sa komunidad.

Kinilala siyá ng Urian bilang Pinakamahusay na Direktor sa mga pelikulang Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977); Broken Marriage (1983); Hinugot sa Langit (1985); at Pahiram ng Isang Umaga (1989). Kinilala rin siyá bilang manunulat nang igawad sa kaniya ang Pinakamahusay na Iskrip para sa City After Dark (1980). Ginawaran din siyá ng FAMAS, Catholic Mass Media Awards (CMMA), at Metro Manila Film Festival.

Sina Elena Bernal at Pacifico Ledesma ang kaniyang mga magulang. Nag-aral siyá sa Mababang Paaralan ng Jose Burgos, Mataas  na Paaralang V. Mapa, at Uniber- sidad ng Pilipinas. Nang makapagtapos sa UP ng A.B. English, medyor sa Literatura, nagpatuloy siya ng pag-aral ngpanitikan at pilosopiyang Pranses sa University of Aix-en- Provence sa France. Nagtungo rin siyá sa India para mag- aral sa Film Institute of Poona. (RVR)

Cite this article as: Bernal, Ishmael. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bernal-ishmael/