Manuel H. Bernabe
(17 Pebrero 1890 – 29 Nobyembre 1960)
Isang premyadong makata sa wikang Español si Manuel H. Bernabe (Man·wél Bér·na·bé). Ulit-ulit din siyáng kinilála sa kahusayan niya sa pagsasalin ng mga akdang pampanitikan. Naging guro siyá sa wikang Español, peryodista, at naglingkod sa Kamara de Representante(Mababàng Kapulungan ng Kongreso) noong 1931.
Ipinanganak si Bernabe noong 17 Pebrero 1890 sa Paranaque, Rizal. Sina Timoteo Bernabe at Emilia Hernandez ang kaniyang magulang. Nag-aral siyá sa Ateneo de Manila, at isa sa mga gawain niya dito ang pagsasalin sa Aeneid ni Virgil. Matapos sa At- eneo, kumuha siyá ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Pagkagradweyt, pumasok si Bernabe sa pahayagang La Democracia, at pagkatapos ay sa La Vanguardia bago siyá naging kontribyutor ng Excelsior. Nagturo siyá ng Español sa iba’t ibang pamantasan, kasáma na rito ang Unibersidad ng Pilipinas, Far Eastern University, at Unibersidad ng Santo Tomas. Pinarangalan siyá sa UST bilang pinakamahusay na makata sa Español noong 1950.
Ngunit, noon pang 1913, napanalunan na niya ang tatlong parangal mula sa tatlong magkakaibang organisasyon dahil sa mga akda niyang Himno al Sagrado Corazon de Jesus, El Zapote, at España en Filipinas. Noong 1924, napanalunan niya ang parangal na Premio Zobel nang isalin niya ang akdang La Pugna. Nagwaging muli ni Bernabe sa nasabing timpalak noong 1926 dahil sa salin niya ng Rubaiyat. Pinarangalan siyáng “Hari ng Balagtasan sa wikang Español” noong 1927 at nakalaban si Jesus Balmori. Tinipon niya ang mga sariling tula sa Cantos del Tropico (1929). Nakamit ni Bernabe ang dalawang karanga- lan mula sa España. Dahil sa kaniyang pagpupunyaging gamitin ang wikang Español bílang midyum ng pagsulat, iginawad sa kaniya ang parangal na El Yugo y las Flecha s (1940) at sinundan ito ng parangal na Orden de Isabela la Catolica (1953). Nang maitalagang pinunò ng Pambansang Aklatan noong dekada 50, isinalin ni Bernabe ang mga sinulat ni Marcelo H. Del Pilar sa wikang Tagalog. Namatay si Bernabe noong 29 Nobyembre 1960. (SJ)