Benjamin
novels, literature, Filipino
Ang nobelang Benjamin (Bén·ha·mín) ni Angel M. Magahum at nalathala noong 1907 ang itinuturing na “unang nobelang Bisaya.” Sa nobela, matanda na si Benjamin at isinalaysay niya ang kaniyang naging búhay sa awtor. Isa siyáng laki sa layaw, pinapunta sa Maynila upang mag-aral, ngunit nasadlak sa masamâng gawain. Nabuntis niya si Inocencia ngunit dahil sa malaking pagkakautang ay ipinasiyang iwan ang babae at bumalik sa sariling bayan. Napangasawa niya si Margarita na lumitaw na matigas ang ulo. Nangulila siyá sa kabutihan ni Inocencia ngunit isang liham ang nagsabi sa kaniya na namatay na ang kasintahan at ang kanilang anak.
Sa pagpapatuloy ng Benjamin, nalulong sa sugal si Margarita at nakaapid ni Pepito, isang kaibigan ng pamilya, at naging ama ng anak ng babae. Nalaman lahat ito ni Benjamin sa isang liham ni Pepito, bukod sa pagtatapat na siyá si Serafin, kapatid ni Inocencia, at ginawa niya ang lahat upang maghiganti. Kinidnap din niya ang anak na si Margarito. Nawalan ng saysay ang paghahanap ni Benjamin. Nabaliw si Margarita at namatay. Sa pighati, ipinagbili ni Benjamin ang ari-arian at lumipat sa Sugbu. Sa dagat, nasaksihan niya ang isang motin. Isang lalaki, si Serafin, ang pumatay sa kapitan ng barko at asawa nitó at ipinalaot sa dagat ang tatlong anak. Nagkaroon ng súnog at namatay si Serafin. Nasagip si Benjamin at ang tatlong batà. Umunlad ang búhay ni Benjamin sa Sugbu.Tumulong naman siyá sa nangangailangan. Ngunit nalooban siyá at muling naghirap. Napilitan siyáng bumalik sa sariling bayan at doon natapos ang kaniyang pagsasalaysay.
Sa pagsusuri ni Resil B. Mojares (1983), pinansin niya ang “alanganing anyo” ng Benjamin bilang katha. May nais itong maging nobela ngunit tulad ng mga unang katha sa bungad ng ika-20 siglo ay taglay nitó ang mga katangian ng nakagisnang mga libro ng kagandahang-asal at istoryang moralistiko sa panahon ng kolonyalismong Español. Nais nitóng magdulot ng kasalukuyang “larawan” ng búhay ngunit nagwakas sa lumang pangangaral hinggil sa wastong pamumuhay. (VSA)