belén
Christmas, Christmas in the Philippines, symbols
Ang belén ay tagpo na naglalarawan sa pagsilang ni Hesus sa isang sabsaban hábang napapalibutan nina Birheng Maria at San Jose, ng mga alagang hayop, at nakapanunghay sa itaas ang bituin at anghel. Kung mas malaki, kasáma sa tagpo ang ilang pastol at ang Tatlong Haring mago. Mula ito sa salitâng Español na “belén” para sa Bethlehem.
Sinasabing si Francis ng Assisi ang unang lumikha ng buháy na belen noong ika-13 siglo sa Italya upang palaganapin ang pagsamba kay Kristo. Binigyan ni Pope Honorius III ng basbas ang naturang pagtatanghal. Naging popular ang eksena at ginaya ang naturang pantomime sa iba’t ibang komunidad.
Tuwing Pasko sa Filipinas, makikita ang mga belen sa bahay, simbahan, eskuwelahan, at opisina. May mga belen na yari sa ginupit na kardbord at may mga belen na yari sa pigurin. May mga belen na payak ang pagkakagawa, mayroon din naming magagarbo at sinlaki ng tao ang mga pigura. Ang Tarlac ang itinuturing na Kapitolyo ng Belen sa Filipinas. Nagdaraos ito ng “Belenismo sa Tarlac,” isang taunang patimpalak sa paggawa ng belen. Malalaki at magagarbong belen na may iba’t ibang tema ang makikita sa Tarlac sa buong panahon ng patimpalak. (KLL)