Beateryo
Ang beatéryo ang bahay na tinitirahan ng mga madre o ng mga babaeng iniuukol ang panahon sa kabanalan.
Noong 1684, pinasimulan ni Ignacia Del Espiritu Santo, isang Chinang mestiza mula sa Binondo, Maynila ang Beaterio de la Compañia de Jesus. Apat ang unang naging miyembro nitó kasáma si Ignacia, ang pamangkin niyang si Cristina Gonzales, at dalawang batàng babae na sina Teodora de Jesus at Ana Margarita. Nanirahan ang kanilang kongregasyon sa isang bahay malapit sa Simbahan ng San Ignacio sa Intramuros upang mas mapadalî ang kanilang mga ga- waing pansimbahan noong siglo 17. Sinuportahan ng kanilang kongregasyon ang sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho at pamamalimos. Nakilála silá sa kanilang layuning tumulong sa kababaihan sa mga gawaing banal gaya ng komunyon at kumpisal at gayundin sa pagbibigay ng edukasyon pagdating sa pagbabasá, pag-boborda, pananahi, at iba pa. Noong 1732, kinilála at pinayagan ng Arsobispo ng Maynila ang mga tuntuning ipinatutupad sa organisasyon ng mga beata. Namatay si Ignacia noong 1748 hábang nagdarasal sa Simbahan ng San Ignacio sa Intramuros. Noong 1755, ginawaran ni Haring Ferdinand IV ng España ng proteksiyong sibil ang kongregasyon. Kinilála ito ng Vatican noong 24 Marso 1931 sa ilalim ng pangalang Congregacion De Religiosas De La Virgen Maria na mas kilalá ngayon bilang Congregation of the Religious of the Virgin Mary o RVM.
Matatagpuan ang beateryo o motherhouse ng RVM sa lungsod ng Quezon. Orihinal itong nása Intramuros, Maynila noong 1684 hanggang sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang tuluyan itong masira. Pinagtayuan ng Light and Sound Museum ang naturang lote sa pagitan ng mga kalye Santa Lucia at Victoria. Matatagpuan naman sa logo ng RVM ang patsada ng beateryo bago sumiklab ang digmaan.
May iba pang mga beateryong natatag sa panahon ng Español. May mga beateryo noong pinangangasiwaan ang mga ordeng relihiyoso. Tinatawag na beáta ang babae (beato ang lalaki) na lubusang itakwil ang búhay panlipunan at ibuhos ang panahon sa pagdarasal at gawaing banal. Sa Noli me tangere ni Rizal, ito ang búhay na pinilì ni Maria Clara sa pag-aakalang namatay si Crisostomo Ibarra at upang ipahiwatig ang kaniyang pagsalungat sa pangwakas na kagustuhan ni Padre Damaso na ipakasal siyá sa ibang lalaki. (KLL)