belasyón
traditions, customs, burial, games, performance
Ang belasyón ay isang aliwan o laro habang naglalamay sa patay na lumaganap sa Hiligaynon at iba pang pangkat na katutubong nasakop ng mga Español. Nagmula ito sa salitang Español na velacion na tumutukoy sa mismong lamay para sa patay, na karaniwang tumatagal nang siyam na gabi. Ang belyako, mula sa salitang Español na bellaco, ang lalaking kalahok dito; tinatawag na belyaka kung babae. Madalas na nása anyo itong patula o awit at tinatawag ng mga Sebwano bilang kolasisi. Kahawig ito ng huwego de prenda ng mga Tagalog at lalo na ng dúplo na popular na pagtatanghal noong panahon ng mga Español kung may lamayan at tinatampukan ng mga makatang nagpapaligsahan bilang tagapagsakdal at tagapagtanggol sa isang dula ng paglilitis.
Tinaguriang punong halamanan ang haring namumuno rito na nagpapasya ng hatol sa mga nililitis. Nagsimula ang paligsahan sa pagdarasal para sa kaluluwa ng yumaong pinararangalan. Pagkatapos ng dalangin, isisigaw ng hari ang “Numeracion.” Ang mga kasali naman ay sasagot nang “Tribulacion.” Sa laro, ang isang manlalaro ay nagbibintang sa iba ng mga kathang krimen, at ang mga akusado naman ay ipagtatanggol ang kanilang sarili. Ang usapan o diyalogo ay nagiging mas masigla gamit ang mga sipi mula sa mga awit at korido. Kapag ang isang nakikipagtalo ay nagbigay ng malîng sagot sa palaisipan na ibinigay sa kaniya, siyá ay kadalasang pinaparusahan sa pamamagitan ng pagpilit sa kaniya na bumigkas ng isang dalit para sa namatay.
Naunang ipinasok o isinama ang belasyón sa lamay upang mabawasan ang kalungkutan sa pagdarasal para sa mga namatay. Kinalaunan, ang belasyón, kolasisi at duplo ay naging isang madulaing debate sa pamamagitan ng mga berso at itinuturing ngayong isang sinaunang anyong pampanitikan na patanghal. (ECS)