báyok

performance, literature, theater

Isang uri ng tradisyonal na pagtatanghal ng mga Mëranaw ang báyok. Isa itong tulang inaawit sa mabilis na tempo. Ang mga salaysay ng bayok ay halaw sa Darangën, ang epikong-bayan ng mga Mëranaw na tumatalakay sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga bayaning sina Bantugën, Indarapatra, at Sulayman. Nakapaloob ito sa kanilang buhay dahil inaawit sa kanilang karaniwang gawain, gaya ng pagpapahayag ng pag-ibig para sa magkasintahan, o kayâ sa paghehele ng ina sa kaniyang sanggol. Bukod pa rito, may mga báyok rin na nagpapapahayag ng tamang asal at kaugalian o kayâ nama’y pagpaparatang sa kasamaan ng tao.

Dagdag pa, ang báyok ay isa ring uri ng tulang tagisan ng karunungan o joustic poetry ng mga Mëranaw. Hawig ito sa mga anyo at estilo sa duplo at balagtasan ng mga Tagalog, balak ng mga Cebuano at bikal ng mga Waray. Paawit ang debate ng lalaki at ng babae at nakabatay ang paksa sa pista o pagdiriwang bagaman hango ang pinag-uusapan sa mga salaysay sa Darangën. Ang mga onor o mga mang-aawit na nagsanay sa tradisyonal na anyo ng pag-awit ang nagtatanghal ng bayok. Kambayoka ang tawag sa pagtatanghal na ito.

Maaaring uriin sa dalawa ang mga nagtatanghal ng bayok: pababaiok ang tawag sa lalaki samantalang onor naman ang babae. Ang paksa ay laging may layuning parangalan ang okasyon o pagdiriwang, magpugay sa ilang mga natatanging indibidwal o kayâ naman ay talakayin ang ilang mahahalagang punto ukol sa isang ideang pilosopiko. Impromptu ang paglikha ng mga berso para sa mga kalahok.

Mula sa tradisyon ng bayok, naisilang ang Sining Kambayoka, isang samahang panteatro sa Marawi na siyáng naglinang ng bayok at kambayoka bilang mga anyong pandulaan. (WFF)

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: báyok. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bayok-2/