baybáyin

Baybayin Scipt, writing, language, Ancient Philippines

Ang baybáyin ang sinaunang alpabeto ng mga Filipino bago pa dumating ang mga Español at maituro ang alpabetong Romano. Mula ito sa salitâng “baybáy” ng mga Tagalog na nangangahulugan ng lupaing nása gilid ng dagat at ng “pagbaybáy” na nangangahulugan ng ispeling.

Ang baybayin ay nása anyong pantigan na may tatlong patinig (a,e-i,o-u) at umaabot sa 14 katinig. Makikita ang mga halimbawa ng baybayin sa Doctrina Cristiana (1593), ang pinakaunang aklat na nalathala sa Filipinas na isinulat ng mga misyonerong Español.

Sinasabing lahat ng mga katutubo ay marunong magbasá at magsulat sa baybayin. Balát ng punongkahoy at kawayan ang karaniwang gamit na sulatan ng mga sinaunang Tagalog at iniuukit dito ang mga titik sa pamamagitan ng matulis na bagay. May inilalagay na gitling o tuldok sa ibabaw ng katinig bilang tanda sa tunog ng “e” o “i” at sa ilalim naman bilang tanda sa tunog ng “o” o “u” na kasáma ng katinig.

Isang ebidensiya ng baybayin ang iniukit na sulat sa isang matandang palayok na natagpuan ng mga arkeologo sa Calatagan, Batangas. Sa ngayon, ginagamit pa ng mga Mangyan sa Mindoro at ng mga Tagbanwa sa Palawan ang baybayin. Ginagamit nila ito sa pagsulat ng maiikling tula, awit, at paggawa ng liham pag-ibig.

Minsan ding tinawag na alibáta ni Paul Rodriguez Verzosa ang sinaunang alpabeto dahil sa kaniyang saliksik na ito ay hango sa alpabetong Arabe na alif ,ba, ta. Tinanggal lámang niya ang “f” kayâ naging alibata. Gayunman, walang nakitang patunay sa kasaysayan na may kaugnayan ang baybayin sa alpabetong Arabe. Kahit ang mga wika ng mga bansa sa Timog-Silangang Asia ay hindi nagpapakita ng katangian o pagkakaayos ng mga titik na katulad ng wikang Arabe kayâ simula noon ay hindi na ipinagagamit ang salitâng “alibata” upang tukuyin ang sinaunang alpabeto ng Filipinas. (EGN)

 

 

Cite this article as: baybáyin. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bayanihan-2/