bayáni
heroes, Overseas Filipinos, OFWs, values, bayani
Ang unang naiisip kung mabanggit ang bayáni ay sina Jose Rizal at Andres Bonifacio. Batay sa kanila, ang bayáni ay matapang, may matinding pag-ibig sa bayan, at nagbubuwis ng buhay para dito. Wari namang nagmula ang salitâng “bayáni” sa “báyan.” Ang kahulugan at halaga ng bayáni kung gayon ay mahigpit na nakaugnay sa bayan.
Ang kahulugan ng bayani na nakaugnay sa bayan ay nagbabago batay sa pangangailangan ng bayan sa isang tiyak na panahon. Sa sinaunang panahon, ang itinuturing na bayani ay mandirigma at pinunò. Mahusay siyáng lider o timuáy at magiting sa pagtatanggol ng kaniyang sakop. Sa ilang pangkatin sa Mindanao, tinatawag siyáng bagáni. Sa panahon ng himagsikan noong 1896, ang bayani ay hindi na lámang tumutukoy sa matapang na pinunò. Bagkus itinuturing na bayani sa Katipunan kahit ang karaniwang anak ng bayan, ANB, na nagmamahal at handang mag-alay ng dugo at pawis para sa bayan. Bunsod nitó, ang bayani ay tumukoy na sa lahat ng uri ng tao na nakilahok sa Himagsikang 1896 maging babae man o lalaki, batà o matanda, ilustrado o mangmang. Sa panahong iyon, ang kabayanihan ay nakabukás para sa lahat na tumutugon sa pangangailangan ng bayan gamit man ay tabak o panulat.
Sa panahon ng kapayapaan, higit na kailangan ang mga bayani na maglilingkod sa bayan, lalo na sa serbisyo sibil, kahit maliit ang suweldo. Hinihingi ito ng panahon bunga ng nakubikóng na hálagáhang pambansa mula sa pananakop ng mga Americano. Bahagi ng nakubikóng na kamalayan (warped consciousness) ang lubhang pagmamahal sa banyagang kultura at ang kaalinsabay na kawalan ng malasakit sa sarili. Bahagi rin nitó ang lubhang pagsisikap para sa pansariling yaman, sukdang magnakaw at manloko ng ibang tao, at ang kaalinsabay na kawalan ng interes na makilahok sa gawaing pambayan. Dahil sa ating “napinsalang kultura” (damaged culture), kailangan ang reoryentasyong pambansa. Kailangan, wika nga ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang sáma-sámang pagtahak sa Daang Matuwid laban sa korupsiyon.
Bunsod din ng mga bagong pangangailangan ng bayan, ang konsepto ng bayani ay nagkaroon ng bagong kahulugan—ito ay ang pagsasakripisyo. Tumutukoy ito sa pagsasakripisyo para sa mga mahal sa buhay; gagawin ang lahat para sa ikabubuti at kapakanan ng pamilya. Sinasalamin nitó ang pagsasakripisyo na dinaranas at tinitiis ng mga Filipinong manggagawa sa ibang bansa. Bunga nitó, ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay tinaguriang mga “bagong bayani” hindi lamang dahil sa mga tulong na naibibigay nilá sa kani-kanilang pamilya kundi gayundin sa ating bayan sa pamamagitan ng pagbuhay nilá sa ating ekonomiya dahil sa kanilang mga iniuuwi o ipinapadaláng salapi. (LN)