Báyan Ko

songs, patriotic songs, music, protest songs

Ang “Báyan Ko” ay isang kundiman na nilikha noong taóng 1928 ni Constancio de Guzman batay sa titik ni Jose Corazon de Jesus. Nang likhain ito, ang awit ay napapanahong diskurso tungkol sa nararanasang kolonisasyon ng Filipinas sa ilalim ng Estados Unidos. Ikinokompara ng awit sa ibong nakakulong sa isang hawla ang Inang Bayan, at dahil sa angkin nitóng ganda ay nahumaling ang mga dayuhan. Ang awit ay maituturing na kontribusyon ng mga may likha sa literatura ng protesta noong panahong iyon na kinabibilangan ng mas maagang nilikhang Tanikalang Guinto, Hindi Aco Patay, Kahapon, Ngayon at Bukas, at iba pang akdang nagpahayag ng pagtutol sa pananakop sa Filipinas. Narito ang mga titik ng awit:

Ang bayan kong Pilipinas,

Lupain ng ginto’t bulaklak.

Pag-ibig ang sa kanyang palad,

Nag-alay ng ganda’t dilag.

At sa kanyang yumi at ganda,

Dayuhan ay nahalina.

Bayan ko, binihag ka,

Nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad,

Kulungin mo at umiiyak!

Bayan pa kayang sakdal dilag,

Ang di magnasang makaalpas?

Pilipinas kong minumutya,

Pugad ng luha ko’t dalita,

Aking adhika,

Makita kang sakdal laya!

Ang awit na “Bayan Ko” ay hindi nawalay sa kamalayan ng mamamayan. Patuloy itong ginamit sa kilos-protesta laban sa mga mapaniil na gobyerno. Bagaman kasáma ito sa kalipunan ng awit na inilimbag ng rehimeng Marcos sa koleksiyong Mga Awit ng Bagong Lipunan, ito ay naging tampok na awit sa mga kilos-protesta sa pagpapabagsak sa diktador. Naging tampok din ito sa mga kilos-protesta laban sa mga gobyernong Estrada at Arroyo. Inawit din ito ng taumbayan sa paghahatid sa dating pangulo, si Corazon Aquino, sa huling hantungan, at sa pagsalubong sa pagiging pangulo ng kaniyang anak na si Benigno Aquino, Jr. (RCN)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Báyan Ko. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bayan-ko/