báwang

Philippine Flora, plants, cooking ingredients, agriculture, medicinal plants, traditional medicine, Filipino Cuisine, herbs

Ang báwang (Allum sativum) ay isang mababàng yerba na lumalaki lámang ng hanggang 60 sm ang taas. Ang dahon nitó ay tuwid at makinis. Ang isang ulo ng bawang ay may 4–20 malalaking bulbo. Ito ang kalimitiang ginagamit sa panggagamot o kayâ naman sa pagluluto. Ang yerbang ito ay isa sa pinakamaraming gamit sa larangan ng pang-gagamot sa Filipinas.

Karaniwan din itong matatagpuan sa mga kusina dahil ginagamit itong sangkap sa pagluluto.

Ang Philippine bawang o barayti  ng  báwang  sa Filipinas ay mas maanghang kaysa mga iniaangkat. Ang bisà ng bawang sa panggagamot ay  napatunayan  na noong  Ikalawang  Digmaang Pandaigdig nang gamitin ito sa paggamot sa mga sugat at impeksiyon ng mga sundalo. Ang bawang ay may mga kemikal gaya ng allicin at asupre kayâ ito at mabisàng gamot sa mga iba’t ibang mga sakit.

Ang báwang ay malawakang itinatanim sa Batangas, Nueva Ecija, Ilocos Norte, Mindoro at Cotabato. Madalîng magpatubò ng bawang kayâ maaari itong paramihin buong taón. Hindi din ito inaatake ng mga peste at sakit. Maaari itong itanim nang magkakatabi. Mag-iwan lámang ng katamtamang puwang para sa paglaki ng mga ulo nitó.

Dahil sa ginagamit din ito sa pagluluto, ang báwang ay mabibili kahit sa mga palengke at maliliit na tindahan. May nabibili na din ngayong bawang na ginawang tableta o nása kapsula, tsaa, o pinulbos. (ACAL)

Cite this article as: báwang. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bawang/