Hermogenes Bautista
(19 Abril 1866–17 Oktubre 1917)
Heneral ng mga Katipunero sa Marikina, si Hermogenes Bautista (Er·mo·hé·nes Baw·tís·ta) ay isinilang sa Bayan-bayanan, Marikina noong 19 Abril 1866 at ikalima sa 12 anak nina Isidro Bautista at Ines de los Santos. Kasáma sa asyenda Tuazon ang kaniyang ama at may tindahang-bayan ang ina. Nag-aral siyá sa paaralang bayan ng Marikina ngunit naghinto at nagkutsero sa rutang Marikina, San Mateo, at Pasig.
Sa edad 18, nakuha siyá sa impanteriyang Español at tatlong taóng naglingkod sa kampanya laban sa mga Muslim. Pagbalik sa Maynila, naging veterana siyá, nabilanggo nang ipagtanggol ang ilang babaeng Filipina sa Balintawak, naging guwardiya sibil at nadestino sa iba’t ibang bayan. Noong Marso 1896, natapos niya ang serbisyo sa guwardiya sibil sa Kingwa (Plaridel ngayon), Bulacan.
Nag-organisa si Hermogenes ng sanagay ng Katipunan sa Marikina at naging heneral sa kilusan. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, nagpulong ang mga Katipunero ng Marikina sa Pantayan at hinirang si Hermogenes na pagkalahatang pinunò. Noong 28 Setyembre, nagpulong ang mga lider na sina Andres Eustaquio, kapatid niyang si Leoncio Bautista, Jose Eustaquio, Arcadio Sanvictores, at Tomas Medina sa himpilan sa Masuyod at nagkaisa sa pamumunò ni Hermogenes. Inilahok niya ang kanilang puwersa kay Bonifacio sa pagsalakay sa San Mateo.
Pagkaraan niyang sumuko, nagsaka si Hermogenes. Pag- kuwan, nagbenta siyá ng kabayo na binibili niya sa Laguna at Batangas. Nang makaipon, nagtayô siyá ng garahe ng karomata sa Santa Ana, at San Juan. Namatay siyá noong 17 Oktubre 1917. ipinagpatuloy ng kaniyang asawang si Cornelia Eustaquio ang kaniyang negosyo sa karomata. Bukod kay Leoncio, naglingkod din sa Himagsikan ang mga kapatid niyang sina Felix at Pedro. (GVS)