Cirilo F. Bautista

(9 Hulyo 1941– )

Makata, kritiko, at nobelista si Cirilo F. Bautista (Si·rí·lo Ef Baw·tís·ta) na ginawaran ng Pambansang  Alagad ng Sining para sa Panitikan noong  2014, at kumilála sa kaniyang ambag sa pagpapaunlad ng panitikan sa bansa, gayundin sa “pagpapalakas ng diwang makabansa ng mga Filipino.”

Isinilang noong 9 Hulyo 1941), nag-aral sa Mababang Paaralan ng Legarda at Mataas na Paaralan ng Mapa si Bautista bago kumuha ng AB Panitikan sa Unibersidad ng Santo Tomas (at dito siya naging patnugot na pam-panitikan ng The Varsitarian), MA Panitikan sa St. Louis University sa Lungsod Baguio, at Doktorado sa Sining ng Wika at Panitikan sa De La Salle University. Naging fellow rin siya sa International Writing Program ng University of Iowa noong 1968–1969, at ginawaran ng honorary degree roon. Kasaping tagapagtatag si Bautista ng Philippine Literary Arts Council (PLAC), at kasapi ng iba pang samahang pangmanunulat, tulad ng Manila Critics Circle at Philippine Center of International PEN. Nag-silbi rin siyang patnugot na pam-panitikan ng magasing Philippine Panorama ng Manila Bulletin, at direktor-heneral ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center ng De La Salle University noong 1991–1995.

Kabílang sa mga akda ni Bautista ang Trilogy of Saint Lazarus [Trilohiya ng San Lazaro], isang epiko tungkol sa kasaysayan ng Filipinas mula ika-16 hanggang ika-20 siglo, at binubuo ng mga aklat na Archipelago, Telex Moon, at Sunlight on Broken Stones na nagwagi ng Centennial Literary Prize noong 1998. Kabálang naman sa mga akda niya sa Filipino ang mga aklat ng tulang Sugat ng Salita (1985) at Kirot ng Kataga (1995), at ang nobelang Galaw ng Asoge (2004) na naunang isinerye sa Liwayway.

Nakatanggap na ng iba’t ibang parangal si Bautista tulad ng Pambansang Gawad Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1997; Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 1993; mga Gawad Palanca para sa kaniyang mga tula, kuwento, at sanaysay; at National Book Award. Noong 2013, pinarangalan si Bautista ng Gawad Dangal ng Lahi ng Carlos Palanca Memorial Awards.

Cite this article as: Bautista, Cirilo F.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bautista-cirilo-f/