Ariston Bautista

(22 Pebrero 1863–3 Marso 1928)

Isang iginagálang na doktor sa medisina, pilantropo, at pambihirang lingkod ng bayan, isinilang si Ariston Bautista (A·ris·tón Baw·tís·ta) noong 22 Pebrero.1863 sa Sta. Cruz, Maynila kina Mariano A. Bautista at Teresa Limpingco. Dahil mariwasa, matapos maging lisensiyado sa medisina ay nag-aral siyá sa España. Natanggap niya ang doctor en medicina mula sa Uni- versidad Central de Madrid. Naglibot muna siyá sa Europa bago bumalik sa Filipinas.

Naging miyembro siyá ng Lohiya Nilad, na tumulong sa Kilusang Propaganda. Pagsiklab ng Himagsikang 1896, naaresto siyá ngunit pinawalan. Sa Republikang Malolos, naging miyembro siyá ng kongreso at nagturo sa Universidad Cientifico Literaria de Filipinas. Noong 1907, naging propesor siya ng clinical medicine at therapeutics sa College of Medicine and Surgery. Nagpunta siyá sa Estados Unidos, sakâ nag-aral sa Paris ng mga sakit sa bagà, isa sa una at iilang espesyalistang Filipino sa larangang ito.

Isa ring matulunging pilantropo si Ariston. Marami siyáng dukhang pasyente na ginamot nang walang bayad. Ang kita niya sa pabrika niyang Germinal Cigar ay ginamit niya sa pagpapaaral sa ibang bansa ng mga matalinong kabataan, gaya nina Fabian de la Rosa na nag-aral ng pintura sa Europa, Ernesto Vallejo na biyolinista, Elias Domingo na doktor espesyalista sa nerbiyos, Juan Nakpil na arkitekto. Marami siyáng isinagawang proyektong pambayan hábang naglilingkod na director sa Agricultural Bank, miyembro ng Philippine Medical Association at Liga nacional Filipina para la Proteccion de la Infancia, at doktor sa St. Paul’s Hospital. Namatay siyá noong 3 Marso 1928. Ang kaniyang bahay sa Kalye Barbosa, Quiapo ay mistulang museo ng mga antik at mga pinturang Filipino. May marker ngayon ng pag-alaala ang National Historical Institute sa kaniyang tahanang sinilangan. (GVS)

Cite this article as: Bautista, Ariston. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bautista-ariston/