batubalanì
Physics, magnet, mining, types of rocks, magnetism, building materials, metal, metallurgy
Ang batubalanì ( o bato-balani) ay maaaring tumukoy sa metal na may katangiang humigop ng bakal o asero, o sa isang batong may ganitong likás na katangian at gawa sa mineral na magnetite. Tina-tawag itong magnet o lodestone sa Ingles.
Unang natuklasan ng mga sinaunang tao ang katangian ng magnetismo sa likás na batubalani. Ang magnetismo ay isang puwersa ng atraksiyon (o pagtataboy) ng mga bagay sa isa’t isa dahil sa paggalaw ng kani-kaniyang kargang elektirko. Mahalaga ang magnetismo sa kasaysayan ng sangkatauhan, at ginagamit ang katangiang ito sa transportasyon, komunikasyon, at iba pang larang.
Sa Filipinas sa kasalukuyan, minimina ang magnetite na bato o buhangin. Mahalaga ang tinatawag na black sand para sa industriya ng asero, at karaniwan ring ginagamit sa konstruksiyon, panlinis ng tubig, at paggawa ng makina, mga parte ng computer at kaugnay na gadget, pintura, kasangkapan sa kusina, artipisyal na batubalani, at iba pa. Ilan sa mga lupaing pinahintulutan ng pamahalaan para sa pagmimina ng magnetite ay ang Lambak Cagayan, Rehiyong Ilocos, Golpong Lingayen, Leyte, Negros Occidental, at Zamboanga del Sur. May mga pangkat makakalikasan na tumututol sa ganitong pagmimina.
Isa sa mga sinasabing maaaring pinagmulan ng pangalan ng Basilan, lalawigan at isla sa timog Mindanao, ay ang ”basih-balan,” salitâng Tausug para sa magnetikong bakal; ang pinaiksing ”basih-lan” ay nangangahulugang ”daan ng bakal.” Matatagpuan sa isla ang mga deposito ng magnetikong bakal na may mataas na kalidad, na noong sinaunang panahon ay dinadayo at binibili ng mga man-dirigma at mangangalakal mula sa Sulu para sa paglikha ng espada, kutsilyo, at iba pang kagamitan. (PKJ)