bátsoy

food, cuisine, recipe, Filipino cuisine, cooking, noodles

Ang   bátsoy  ay isang espesyal na putahe na pinamana ng mga Chinong nanirahan sa Panay. Ito ay sopas na ang pangunahing sabaw ay mula sa pinakuluang buto at karne ng báka, baboy o manok. Sinasangkapan ito ng hilaw na pansit, karne, bituka ng baboy, at mga lamang-loob, hilaw o nilagang itlog, sitsarong baboy, at kadalasan may sariwang dahon ng sibuyas o dinikdik na pritong bawang.

Ang bátsoy ay unang niluto sa La Paz Market sa Iloilo ni Federico Guilleran, Sr. noong 1938. Ang kaniyang resipe ay isang imbento lamang ngunit dahil dito ay naging popular ang kaniyang karinderya. Una niyang inimbento ang sabaw o kaldo mula sa nilagang baboy at báka sakâ nilagyan niya ng hilaw na pansit. Ayon sa kaniyang anak na si Federico Guilleran Jr. una itong tinawag na “bats” st nilagyan ng “tsoy” hango sa putaheng chop suey.

Sa ngayon, ang bagong henerasyon ni Federico “ Deco” Guilleran ang nagpatuloy ng negosyong batsoy. Sikat na sa Iloilo ang Decos Batchoy at halos lumaganap ang tindahan ng batsoy sa iba-ibang panig ng lungsod at sa Maynila. Nilagyan ng bagong lasa ang batsoy na naging katakamtakam sa masa. Ang batsoy noon na pansit lámang ang sahog ay nilagyan na ng maraming pagpipiliang lasa. May sabaw na baboy, báka at manok, pansit, mga hiniwang karne at atay, dahon ng sibuyas, dinikdik na pritong bawang, at ang malutong na sitsarong balat ng baboy. Sa Lungsod ng Iloilo si Federico ay tinaguriang “Father of La Paz Batchoy.”

Noong 1945, si Teodorico Lepura ay nagbukás din ng kaniyang kainan sa La Paz Public Market na batsoy din ang tinda. Unang ibinenta ang batsoy sa halagang dalawampung sentimo kada mangkok. Nagkaroon ng mga bersiyon ang mga kainan. Ang mainit na sabaw ay nilagyan ng pansit miki, mga lamang loob ng baboy na gaya ng atay, bituka, puso, hiniwang karne ng baboy o báka, at itlog. Kadalasan unang kinakain sa batsoy ang pansit at sahog, kasunod higupin ang mainit na sabaw at puwde ding humingi ng isa pang extra na sabaw o kaldo. Ang Ted’s Old Timer La Paz Batchoy ay isa din sa mga sikat na tindahan ng batsoy sa Iloilo. Dahil sa popularidad, nagbukás na ito ng mga sangay sa Maynila, Cebu, Bacolod, Cavite, at sa malalaking malls na gaya ng Gaisano at SM. (RPM)

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bátsoy. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/batsoy/