bátis

stream, creek, spring, water, Philippine Art, Fernando Amorsolo

Ang bátis ay daloy na nanggagaling sa bukál, o munting ilog na nabubuo sa ganitong paraan. Karaniwan itong matatagpuan sa mga kakahuyan, kabundukan, at iba pang pook na may nananatiling tiwasay ang kalikasan. Madalas ay malinis, malinaw, at malamig ang tubig ng mga batis sa nayon. Kapag natakpan na ng kabihasnan ang isang pook na may batis, maaaring tuluyang matabunan ng lupa at semento ang daluyan ng tubig, o kayâ’y maging isang estero.

Naiiba ang batis (stream sa Ingles) mula sa bukál (spring), ang pinagmumulan ng tubig, at sapà (creek), na mas maliit at mas mababaw na batis. May mga batis na dumadaloy buong taon, dumadaloy lámang tuwing panahon ng tag-ulan, at dumadaloy lámang pagkatapos ng isang malakas na buhos at pagkaraan ay kaagad matutuyo.

Bilang kapuluang tigib sa tubig at sa kalikásan, ang Filipinas ay may libo-libong batis. Ang ilan dito, lalo ang malalaking uri, ay binigyang ng ngalan ng mga komunidad sa paligid, samantalang ang karamihan ay wala. Nakatatak ang imahen ng batis sa kulturang Filipino sa tulong na rin ng mga obra ni Fernando Amorsolo, isa sa pinakatanyag na pintor ng bansa at Pambansang Alagad ng Sining. Marami sa kaniyang maririkit na likha na naglalarawan ng búhay sa nayon ay nagtatampok ng mga binibining naliligo o naglalaba ng damit sa batis. Isa na rito ang kaniyang Maiden in a Stream (Dalaga sa Batis) noong 1921. (PKJ)

Cite this article as: bátis. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/batis/