Batas Jones

Sa pamamagitan ng Batas Jones (Ba·tás Jowns) o Philippine Autonomy Act of 1916, nalikha ang Senado ng Filipinas mula sa dating Philippine Commission. Isa din ito sa mga batas na naglatag ng magiging kasarinlan ng Filipinas sa paglikha nitó ng mga kondisyon, gaya ng eleksiyon, sa bansa para sa isang matatag at makapagsasariling pamahalaan.  Ipinanukala  ito ni William Atkinson Jones ng Virginia, Estados Unidos at naisabatas noong ika-29 ng Agosto 1916.

Sa bisà ng Batas Jones, nagkaroon ng  paghihiwalay  ng kapangyarihan ang ehekutibo at ang lehislatibong sangay ng pamahalaan. Hindi na maaaring maging kasapi ng lehislatura ang gobernador heneral, ang pinakamataas na opisyal sa bansa noon. Bago ang 1916, siyá ang namamahala pati sa Philippine Commission, ang katumbas ng lehislatura. Hinati ng batas sa dalawang kapulungan ang Commission ang mataas na kapulungan ang naging Senado at ang mababàng kapulungan ang naging Kapulungan  ng  Kinatawan at binigyan  ito  ng kapangyarihan gaya ng paglikha at pagbuwag ng mga departamento sa ilalim ng ehekutibo at pagtatalaga o pagtanggal ng mga pinunò ng mga naturang departamento.

Naibigay sa mga Filipino ang kapangyarihang patakbuhin ang lehislatura ng bansa sa pamamagitan ng eleksiyon. Ang mga miyembro ng Senado ay kumatawan sa 12 distrito. Ihahalal ang 22 senador mula sa 11 distrito na may anim na taóng termino. Dalawang senador naman mula sa Mindanao at Sulu ang hinirang ng gobernador heneral at humawak ng kanilang posisyon hanggang hindi silá inaalis ng gobernador heneral. Mayroon namang 90 miyembro ang Kapulungan ng Kinatawan, 81 ang inihalal at 9 ang hinirang upang katawanin ang mga hindi Kristiyano. (KLL)

Cite this article as: Batas Jones. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/batas-jones/