Bathalà

mythology, myths, folklore, spirituality

Sa mga sinaunang Tagalog, si Bathalà ang kinikilalang diyos na lumikha sa sansinukob at kumukupkop sa mga tao. Siyá ang pinakamataas sa mga diyos at diyosa na katulong niya sa papapanatili ng katiwasayan ng mundo. Sinasabing nakatira siyá sa kalangitan. Bilang dakilang lumikha at itinuturing na pinakamakapangyarihan ng mga sinaunang Tagalog, tinawag rin siyáng Maykapal.

Ayon sa mga kuwento, si Bathala ay nakapangasawa ng isang mortal na nilaláng ngunit namatay ito sa panganganak. Nagkaroon sila ng tatlong anak na magagandang babae. Sila sina Mayari, ang diyosa ng buwan; Hanan, diyosa ng umaga; at Tala, diyosa ng mga bituin. Maunawain at maawain si Bathala ngunit hindi nag-aatubiling magparusa sa sinumang lumalabag sa kagandahang-asal. Gayunma’y madali rin siyáng magpatawad kung ang nagkasala’y taimtim na nagsisisi.

Labis din siyáng magpakita ng kaniyang pagmamahal sa mga masunurin at mapagpakumbaba. Sinasabing ang ganitong paniniwala sa kaniyang katangian ang pinagmulan ng ugaling Filipino na malimit na pagsambit ng ekspresyong “bahala na.” Ang bukambibig na ito ay maaaring pinaikling “Bathala na” o ipinauubaya na ang lahat kay Bathala.

Ang bathala, na nása maliit na titik, ay ginagamit din ngayon katumbas ng diyos at diyosa sa mitolohiyang Europeo. May paniwala na may mga bathala na nangangasiwa sa mga bahagi ng kalikasan at pumapatnubay sa bawat gawain ng tao. Halimbawa, si Ikapati ay bathala ng agrikultura. Si Balangaw ay bathala ng bahaghari. (JCN)

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bathalà. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/batalan/