batalán
Sa mga Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, at Tagalog, ang batalán ay isang karugtong na estruktura sa likod ng isang bahay. Karaniwang gawa ang mga dingding, haligi, at sahig nitó sa kawayan at ginagamit na labahan, hugasan, at paliguan. May batalan na ginagamit ding palikuran ng pamilya. Anupa’t wika nga’y sa batalan idinadaos ang maruruming bahagi ng buhay ng mag-anak. Nasa ilalim nitó o sumasahod ng dumi ang isang pusalì—ang pinakaimahen ng dumi sa bokabularyong Filipino—at binubuo ng mga bato, burak, at inaagusang mabahòng kanal, nilalangaw o may na-katanghod na maruming baboy.
Ang tradisyonal na batalán ay karugtong at kapantay ng sahig ng bahay. May sarili itong hagdan upang dito mag-daan ang anumang maaaring makapagdulot ng dumi sa kabahayan. Ang totoo, may anyo at gamit itong nahahawig sa asotea n bahay-na-bato.
Sa modernong bahay, lalo na sa lungsod, ang batalán ay karugtong ng pang-ibabâng bahagi ng bahay kayâ nása lupa ang sahig. Kung nagagahol sa espasyo, narito na rin ang kusina at lutuan kasáma ang labahan at mga imbakan ng tubig. Malimit na hindi rin ito tinatawag na batalán. (MJCT)