basketból
sports, basketball, American Influence
Ang basketból ang pinakapopular na larong pampalakasan sa buong Filipinas. Nilikha ni Dr. James Naismith ang laro sa Springfield, Massachusetts sa Estados Unidos noong 1891. Bago matapos ang siglo, naipakilála na ito ng mga Americano sa mga Filipino sa pamamagitan ng YMCA (Young Men’s Christian Association). Mabilis itong lumago sa kapuluan. Sa unang hati ng siglo 20, ang pambansang koponan ng Filipinas ang isa sa pinakamagaling sa buong daigdig.
Ang basketbol ay isang laro na kinalalahukan ng dalawang koponan ng tiglimang manlalaro. Sinusubukang makapuntos ng mga manlalaro sa pamamagitan ng pagbubuslo ng bola sa basket (isang pabilog na bakal na kinasasabitan ng net). Ang koponan na may mas mataas na puntos sa wakas ng laro ang hihiranging nagwagi.
Nabuo ang unang pambansang koponan noong 1913, taón na napanalunan nitó ang unang larong internasyonal (laban sa China) at unang gintong medalya (sa Far Eastern Games). Noong 1924, nakuha ng Unibersidad ng Pilipinas ang unang kampeonato sa basketbol sa National Collegiate Athletic Association (NCAA), ang pinakamatandang paligsahang pangkolehiyo sa bansa. Bilang tanda ng popularidad ng laro sa bansa, inilabas ng Komonwelt ng Filipinas ang kauna-unahang selyo tungkol sa basketbol sa buong mundo. Sa taón ding iyon, nakuha ng pambansang koponan ang ikalimang puwesto sa kauna-unahang paligsahang basketbol sa Olympic Games sa Berlin, Alemanya. Noong 1938, itinatag ang Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA), ang pangunahing propesyunal na liga ng bansa sa susunod na apat na dekada; nasungkit din ng Far Eastern University ang kampeonato sa unang edisyon ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Noong 1954, nakuha ng pambansang koponan ang medalyang tanso sa ikalawang FIBA World Championship sa Brazil; ito ang nananatiling pinakamataas na puwesto na nakamit ng isang Asianong bansa sa nasabing torneo.
Itinatag ang pangunahing liga ng basketbol sa bansa, ang PBA, noong 1975 pagkatapos kumalas ang sampung koponan mula sa MICAA. Ang PBA ang unang propesyonal na liga ng basketbol sa buong Asia, at ikalawa sa buong daigdig (pagkatapos ng NBA ng America).Sa antas pangkolehiyo, ang NCAA at UAAP ang dalawang nangungunang liga. Ang debosyon ng mga Filipino sa basketbol ay tumatawag ng pansin sa daigdig. Sa aklat na ”Pacific Rims,” inilarawan ng Americanong si Rafe Bartholomew ang kakaibang pagkahumaling ng mga Filipinong kulang sa taas sa laro ng matatangkad. Wika nga niya, “Sa halos lahat ng lugar sa Filipinas, makikita mo ang basketbol,” sa bawat plaza, sining ng dyipni, bilbord, at komersiyal sa TV. (PKJ)