Base Militar
Ang báse militár ay isang pasilidad na direktang pagmamay-ari at pinamamahalaan at para sa hukbong sandatahan. Naglalaman ang base militar ng mga kagamitan at tauhang militar at ditto nagsasagawa ng mga pagsasanay at operasyon. Sa pangkalahatan, nagsisilbing tirahan o kampo para sa isa o higit pang pangkat ng mga sundalo ang base militar ngunit maaari rin itong gawing sentro ng mga operasyong militar dahil dito matatagpuan ang mga pinunong militar. Karaniwan sa mga base militar ay nakadepende sa mga tulong mula sa labas upang maisagawa ang mga operasyon nitó. Sa kabilang banda, mayroon namang malalaking pasilidad na may sapat nang pagkain, tubig, at kagamitan upang makatagal habang nakikipa- glaban.
Ang 1947 Military Bases Agreement ay nagbigay ng kapangyarihan sa Estados Unidos na humawak ng mga lupain upang gawing base militar sa Filipinas sa kabila ng pagbibigay ng kasarinlan sa Filipinas. Kabilang sa itina-tag na mga base sa bansa ang Clark Field Air Base (Pam- panga), Fort Stotsenburg (Pampanga), Mariveles Military Reservation, POL Terminal and Training Area (Bataan), Camp John Hay Leave and Recreation Center (Baguio), United States Armed Forces Cemetery No. 2 (Rizal), Angeles General Depot (Pampanga), Leyte-Samar Naval Base, Subic Bay (Olongapo), Tawi-Tawi Naval Anchor- age (Sulu), Caiacao-Sangley Point Naval Base (Cavite), Bagobantay Transmitter Area (Lungsod Quezon), Taumpi- tao Point (Palawan), Talampulan Island, Coast Guard No 354 (Palawan), Naule Point (Zambales), at Castillejos, Coast Guard No 356 (Zambales). May karapatan din ang Estados Unidos sa mga baseng Mactan Island Army and Navy Air Base (Cebu), Florida Blanca Base (Pampanga), Camp Wallace (La Union), Puerto Princesa Army and Naby Air Base (Palawan), Tawi-Tawu Naval Base (Sulu), at Appari Naval Air Base. Ang kasunduang ay may bisà sa loob ng 99 taon at maaaring dugtungan batay sa mapag-kakasunduan ng Filipinas at America. Nagkaroon ito ng pagbabago noong 1966 na ginawang 25 taon na lamang ang bisà at noong 1979 na inililipat sa Filipinas ang kapangyarihan sa mga base. Ibinasura naman ng Senado ng Filipinas ang balak na dagdagan ang taon ng pananatíli ng mga base ng Estados Unidos noong 16 Setyembre 1991.
Ang U.S. Naval Base Subic Bay sa Olongapo, Zambales ang nagging pangunahing pasilidad para sa pag-aayos ng mga barko, pagpupuno ng suplay, at pahingahan ng hukbong pandagat ng Estados Unidos. Ito rin ang pinaka-malaking overseas military installation ng puwersang Americano matapos magsara ang Clark Air Base noong 1991. Nang ipasara noong 1992, ginawa itong Subic Bay Freeport Zone ng Pamahalaang Filipino.
Ang Clark Air Base ang dating base ng hukbong himpapa- wid ng Estados Unidos sa Filipinas. Matatagpuan ito tatlong milya sa kanluran ng Lungsod Angeles at 40 milya sa hilagang kanluran ng Metro Manila. Nasasakop nitó ang 37 km kuwadrado at may reserbasyong militar na 596 km kuwadrado pahilaga. Ito ang kuta ng puwersang Americano at Filipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang Digmaang Vietnam. Naging pagmamay-ari ito ng mga Americano mula 1903. Dahil sa pinsalang dulot ng pagputok ng Bulkang Pinatubo at sa lumalaganap noong sentimyento laban sa mga base militar, iniwan ng Estados Unidos ang Clark noong Nobyembre 1991. Kasalukuyang ito ng Pamahalaan ng Filipinas at katatagpuan ng Clark International Airport, Clark Freeport Zone, at Philippine Air Force. (KLL)