Baryo

Mula sa salitang Español na barrio na nangangahulugang kapitbahayan, ang báryo ay isang maliit na yunit ng mga tao sa isang pook. Ginamit itong dibisyon sa isang bayan o munisipalidad sa Filipinas noong panahon ng mga Español at maaaring itumbas sa barangay, nayon, o  ili.

Karaniwang inilalarawan ang isang baryo na binubuo ng ilang kamag-anakan na nakatira sa isang palayan, bukirin, pampang, at iba pang magkakadikit na lunan. Bagaman maaaring isang yunit sa lungsod o pook na matao ang baryo, karaniwang ipantukoy ang baryo sa pook na rural may bukirin, batis, punongkahoy at kawayan, halamanan, ilang kubo, ibon, isang bundok sa malapit,  at  larawan  ng  payak  na  pamumuhay at  walang-tinag  na buhay.

Pinalitan ang katawagang baryo tungo sa barangay bilang pinakamaliit na pamahalaang lokal na yunit ng bansa sa panahon ng pamumunò ni Ferdinand Marcos. Ginagamit din ang salitang baryo sa iba  pang bansang nasakop ng España ngunit sa magkakaiba-ibang paraan, tulad ng gamit sa Venezuela na ipinantutukoy ang baryo sa isang pamayanan ng mga iskuwater. (MJCT)

Cite this article as: Baryo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/baryo/