baróng

weapons, craftsmanship

Isang uri ng mahabà, makapal, may iisang talim na patalim, at hugis pahabâng dahon ang baróng ng mga Tausug. May habà itong umaabot sa walo hanggang 22 pulgada, mabigat, at may kakayahang ihiwang tulad ng espada. Ang puluhan nitó ay karaniwang yari sa garing, sungay ng kalabaw o kamagong at nababólot ng mga singsing ng pinakintab na mga himaymay ng yantok o baging. May bitling o ferrule itong metal, karaniwang tanso, at naiigot din ng yantok o baging.

Ang dulo ng puluhan ay malimit na anyong nakatikwas na ulo ng ibon o nága (dragon) Ang pahiyas na ulo sa dulo ng puluhan (tinatawag na junggayan) ay higit na mataas o mahabà sa barong ng maharlika. Ang baróng ng nakababàng uri, lalo na iyong ginagamit bilang sandata sa labanan, ay mas maikli at magaan. Ganito diumano ang ginagamit ng huramentado sa Parang Sabil.

Ang kaluban ng baróng ay dalawang piraso ng kahoy na pinagtaklob at kahubog ng patalim. Binabalot din ito ng nakatirintas na yantok o baging at nilalagyan ng dekorasyon. Ang dulo ng kaluban sa kabila ng puluhan ay dramatikong na kahubog patikwas, sa anggulong halos 90 digri, at may sapád na ulo. May mga kalubang nabudburan ng nakatimong nakar sa mga hilerang heometriko. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: baróng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/barong/